5,000 raliyista lumahok sa mga protesta sa Labor Day- MPD
SINABI ng Manila Police District (MPD) na umabot sa 5,000 ang lumahok sa mga protesta sa harap ng Mendiola Peace Arch bilang paggunita sa Araw ng Paggawa.
Idinagdag ni MPD spokesman Supt. Erwin Margarejo na nakamonitor sila ng mahigit 5,000 mula sa iba’t ibang grupo ng mga manggagawa na nagtipon sa Mendiola simula Martes ng umaga.
Pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Sentro ng Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (NAGKAISA), Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Bukluran ng Manggagawang Pilipino ang kilos protesta para ipanawagan na wakasan na ang kontraktuwalisasyon.
Iginiit ni KMU vice chair Lito Ustarez na walang pagkakaiba ang executive order na pinirmahan ni Pangulong Duterte sa Department of Labor and Employment’s (DOLE) Department Order 174, na pinapayagan pa rin ang kontraktuwal na mga manggagawa.
“Ano ang gagawin natin doon sa executive order na pinirmahan? Dapat iyan ibasura! Hindi tayo papayag sa executive order na iyan dahil iyan ay anti-manggagawa. Walang iniwan iyan doon sa DO 174 na pilit isinusubo sa atin ng DOLE,” Ustarez.
“Kaya mga kasama, tuloy tuloy tayo kikilos, tuloy tayo lalaban. Executive order na pinirmahan, kontra manggagawa, walang silbi,” dagdag pa ni Ustarez.
Sinabi naman ni Akbayan Rep. Tom Villarin na hindi katanggap-tanggap ang EO na pinirmahan ni Duterte.
“The EO signed by Duterte is the DTI version, not the workers’ version opposed by NAGKAISA and KMU. We totally reject the order signed by President Duterte,” sabi ni Villarin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.