Igan nililigawan para tumakbo sa 2019 elections; Mike ayaw sumabak sa politika
INAMIN ni Arnold Clavio na maraming nanliligaw sa kanya para pasukin na rin ang mundo ng politika.
Pero aniya, wala raw talaga sa plano niya ang maging politiko, mas gusto raw niyang ipagpatuloy ang kanyang obligasyon at responsibilidad bilang broadcast journalist at news anchor.
“Hindi ko talaga ma-imagine ang sarili ko na nasa politika, e. Ang iniisip ko lang ngayon, kung paano ako gigising nang maaga para sa Unang Hirit, ano ang susunod naming tatalakayin sa Dobol B sa News TV, tapos siyempre nandiyan din ang Igan Foundation natin. Tsaka, pwede ka namang tumulong kahit wala ka sa pwesto, kahit wala kang posisyon sa gobyerno,” ang pahaya ni Igan nang makausap namin sa presscon ng GMA News TV para sa first anniversary celebration ng kanilang mga programa.
Kabilang na nga riyan ang Saksi sa Dobol B ni Mike Enriquez, Super Balita sa Umaga Nationwide ni Joel Reyes Zobel at ang Dobol A Sa Dobol B nina Arnold at Ali Sotto.
Magkakasamang humarap sa entertainment media ang apat sa ginanap na presscon kamakalawa sa GMA Network building. At tulad ni Igan, wala rin daw planong pumasok sa politika sina Mike, Ali at Joel.
Samantala, natanong din si Arnold tungkol sa naging isyu sa kanila ng ABS-CBN broadcaster na si Karen Davila. Kung matatandaan, nagparinigan ang dalawa sa social media noong nakaraang Enero dahil sa isyu ng online news site na Rappler.
Nag-tweet kasi si Karen tungkol sa diumano’y pagtatawanan nina Igan, Ali at Susan Enriquez sa Saksi Sa Dobol B sa segment na “Balitawit” habang pinag-uusapan ang naging desisyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ipasara ang Rappler.
Inalmahan ito ni Karen at nag-tweet ng, “YES! Key words – solidarity & courage. It saddens me to hear some colleagues making jokes on air on Rappler being shut down or which one’s next.” Na sinagot naman ni Arnold sa kanyang Instagram account ng, “Is this your post @iamkarendavila? Can’t believe you didn’t even get our side…Halatang hindi mo kasi napanood o napakinggan eh at naki-tsismis ka lang. ‘Solidarity and courage’ ba kamo? Yun nga ang mensahe ng Balitawit ko.”
Ayon kay Igan, hindi raw nag-reach out sa kanya si Karen pagkatapos ng nasabing isyu, “Wala. Wala. Yung husband niya, kaibigan ko din kasi, si DJ (Sta. Ana), nagtanong siya. E, di daw siya active sa Twitter, sabi ko, ‘Di bale na lang.’ Okay lang yun, talagang parang paalala lang kasi senior naman ako sa kanya, e.”
Bago lumipat si Karen sa ABS-CBN, ilang taon din silang nagkatrabaho sa GMA, nagkasama sila sa Brigada Siete at sa iba pang news and current affairs program ng Siyete.
Sey pa ni Igan, “So, baka passionate lang siya. Kasi ako, ang isa kong laging ano… cautious ako kapag kapwa media na yung involved, mag-iisip ka talaga, e. Lalo na ibang network pa, baka iba kasi ang maisip na motibo.
“E, kilala naman si Karen sa ganun, di ba, biglang-bigla na lang siya umano. Medyo nag-aano lang ako kasi hindi mo man lang ako tinanong. Biglang-bigla kang (nag-post) tapos hindi mo pa ako kinampihan. Kung narinig mo yung paliwanag ko, baka… so, di ba? Yun lang, paalala lang yun. Pero kung magkita kami, e, di magbatian kami.”
q q q
Anyway, todo ang pasasalamat nina Arnold, Mike, Ali at Joel sa lahat ng tumututok tuwing umaga sa kanilang mga programa sa Dobol B Sa News TV. Ito raw ang dahilan kung bakit sa loob lang ng isang taon ay number one na agad sila sa survey, base na rin datos ng Nielsen Radio Audience Measurement.
Napapanood ang Saksi sa Dobol B , Super Balita sa Umaga Nationwide at Dobol A sa Dobol B mula alas-6 hanggang ala-11 ng umaga.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng patuloy na tumatangkilik sa Dobol B sa News TV tuwing umaga. Ngayong nakaisang taon na tayo, hindi rin namin tatantanan ang araw-araw na paghahatid ng Serbisyong Totoo sa bawat Pinoy,” ani Mike.
Sey naman ni Ali, “Walang katapusang pasasalamat sa mga tao who appreciated the work that hoes on what we do. It’s not easy to write sons everyday about the issues and to find their lighter side para maging satire yung content. Pero enjoy talaga ako sa ginagawa namin.”
“Tuloy-tuloy lang po ang ating pagbabalita at pagbabantay sa pinakamalaking balita tuwing umaga.
Maraming salamat po sa pagtangkilik at pagtitiwala,” sabi naman ni Joel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.