JM dapat gayahin ng mga artistang nalulong sa droga
NAKAPANG-IIMBITANG tutukan ang teaser ng bagong panghapong serye ng ABS-CBN, ang Araw Gabi, na pinagbibidahan ng repormadong magaling na aktor na si JM de Guzman.
Parang punumpuno ng misteryo ang pagganap ng aktor na aminadong minsang nagpatianod sa kaway ng bisyo, pero nagdesisyong bumaklas na, mahabang panahon ang ipinamalagi niya sa rehabilitation center.
Hanggang ngayon, rebelasyon ni JM ay patuloy pa rin ang proseso ng kanyang gamutan, hindi nga naman makukuha sa magdamag lang ang resulta ng kanyang pinaninindigang pagtalikod sa bisyo ng droga.
Kahanga-hanga ang tulad ni JM na kusang isinuko ang kanyang sarili sa pagbabago. Wala namang makaaangkin ng pagiging perpekto sa buhay na ito pero ang pinakamahalaga ay ang pagbangon at muling paghabol sa nawalang panahon at mga oportunidad.
Sana’y gawin siyang modelo tungkol sa pagbabago ng mga personalidad na naging marupok din ang pagdedesisyon sa paggamit ng droga. Hindi pa huli ang panahon, marami pang pagkakataon, maaliwalas ang mundo ng pagbabago para sa kahit sino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.