Mahigit 1.1M naghain ng COCs para sa barangay at SK polls
SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na mahigit 1.1 milyon ang naghain ng certificates of candidacy (COCs) para sa nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.
Idinagdag ng Comelec na nagmula ito sa 1,625 lungsod at munisipalidad matapos namang magtapos ang paghahain ng COCs alas-5 ng hapon noong Abril 21, Sabado.
Sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na may kabuuang 722,081 ang naghain ng kanilang kandidatura para sa eleksiyon sa barangay, kabilang dito ang 87,127 na kumakandidato bilang barangay chairman at 634,954 bilang barangay kagawad.
Samantala, may kabuuang 418,906 ang naghain ng COCs para sa SK, 83,127 dito ay para sa SK chairman at 335,779 para sa SK kagawad, sabi pa ni Jimenez.
Ayon kay Jimenez, aabot sa kabuuang 671,168 posisyon ang paglalabanan para sa barangay at SK kung saan tig-335,584 posisyon ang kapwa paglalabanan sa barangay at SK councils.
Sinabi naman ni Jimenez na sasalain pa rin ang mga naghain ng COCs bago ang simula ng kampanya sa Mayo 4.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.