“MAGKUDETA na lang ang gustong magkudeta.”
Ito ang tugon ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa hindi mamatay-matay na isyu ng pagpapalit umano sa kanya bilang lider ng Kamara de Representantes.
“Ay, magkudeta na lang kung sino ang gustong magkudeta, wala naman tayong problema diyan,” aniya.
Giit ni Alvarez, walang nagbago sa kanyang relasyon kay Pangulong Duterte.
“Wala naman pong nagbago,” ani Alvarez ng kumustahin ang kanyang relasyon sa Pangulo.
Si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo ang napipisil na pumalit kay Alvarez at si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco ang papalit kay House majority leader Rodolfo Farinas.
Sa post birthday celebration ni Pangulong Duterte sa Sofitel Manila sa Pasay City, sinabi ni Arroyo kay Duterte na wala itong balak na umupong speaker ng Kamara.
Si Arroyo ay nasa ikatlo at huling termino bilang kongresista at hindi pa nito inihahayag kung ano ang kanyang plano sa 2019 polls.
May mga nagsasabi na posible itong tumakbong gubernador ng Pampanga pero may mga nagsasabi na maaari rin itong tumakbo sa pagkasenador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.