Ka-double ni Robin sa teleserye tumama ang ulo sa semento, duguan ang noo
SALUDO si Robin Padilla sa propesyonalismo at dedikasyon ng mga stuntman sa Pilipinas.
Nag-post si Binoe ng video footage sa Instagram ng isang stuntman na naaksidente habang ginagawa ang maaksyong eksena sa daytime series nila sa ABS-CBN na Sana Dalawa Ang Puso Ko.
Ayon kay Binoe, ang stuntman na nasa video ay si Glen na stunt double niya sa programa.
Base sa video, magta-tumbling sana ang stuntman mula sa isang crate pero nagkamali ito ng tantya sa paghawak sa gilid kaya mabilis siyang bumagsak at tumama ang ulo sa semento.
Narito ang caption ni Robin sa nasabing video, “Ito ang hindi inaasahan na sakuna sa loob ng mga action scene sa aming teleseryeng Sana Dalawa Ang Puso. Nasaktan si stuntmen Glen sa pagganap nya bilang Leo.
“Lumagapak ang kanyang ulo sa semento kaya kagyat sumigaw ng Medic ang ca-meraman na sina Mark at Bingbong dahil sumirit ang dugo sa noo nya kayat dali da-ling inasikasong mabuti ng medical officer ang stuntman mabuti at kumpleto ang emergency services ng ABS CBN sa set kaya naitakbo siya sa hospital upang maisagawa ang mga test sa kanyang injury.”
Mas bumilib at tumaas pa raw ang respeto niya sa mga stuntmen dahil kahit si Glen na raw ang nasaktan ay ito pa ang humingi ng paumanhin sa production.
“Tunay na napakahirap ng buhay ng stuntman. Sila na nasaktan, sila pa ang humingi ng dispensa sa naganap…Mala-lim na pagpupugay sa mga bayani ng pelikula at telebisyon,” ayon pa kay Robin.
Kung matatandaan, ilang beses na ring naaksidente si Binoe sa pagsu-shooting dahil wala siyang ka-double sa mga delikadong eksena. Kabilang na rito ang pagkasunog ng kanyang braso habang ginagawa ang pelikulang “Miss Na Miss Kita: Ang Utol Kong Hoodlum” noong 1992.
Noong 2008 naman ay nalaglag siya sa isang motorsiklo habang nagsu-shooting para sa seryeng Joaquin Bordado ng GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.