Kyline Alcantara mas enjoy sa pagiging ‘impakta’
ISA sa mga promising young stars ngayon ng GMA 7 ay ang baguhang si Kyline Alcantara na kilalang-kilala na ngayon ng manonood dahil sa primetime series na Kambal, Karibal.
Ayon sa dalaga, sobrang saya at thankful siya dahil binigyan siya ng Kapuso Network ng chance na maging bahagi ng isang serye kung saan naipakita niya ang kanyang talento sa akting.
Aniya, hinding-hindi niya makakalimutan ang top-rating serye na Kambal, Karibal kung saan gumaganap siya bilang si Cheska. Dito raw kasi siya nakilala ng mga tao bilang kontrabida.
Sa katunayan galit na galit na sa kanya ang viewers dahil sa kasamaan niya sa serye, impakta at demonyita nga ang tawag sa kanya ng mga netizens.
Sa takbo ng kwento ng KK, nasa katawan pa rin niya ang kaluluwa ni Crisan (Bianca Umali) kaya break muna siya sa pagiging masama. Dito naman niya pinatunayan ang kanyang versatility bilang aktres.
Pero sa nakaraang interview kay Kyline, inamin niyang comfort zone niya ang pagiging kontrabida dahil mas nalalaro niya ang karakter. Either way, lutang pa rin ang husay sa pag-arte ng dalaga kaya gabi-gabi ay talagang tinututukan ng mga manonood ang mas umiinit pang mga eksena sa Kambal, Karibal.
Nitong nagdaang Semana Santa, umuwi si Kyline kasama ang pamilya sa Bicol para dalawin ang lolo’t lola niya. Tradisyon na raw nila ang mag-Visita Iglesia at sumama sa prusisyon kaya naman hindi rin nila ito pinalampas last Holy Week.
Samantala, mas lalo pang umiinit ang mga tagpo sa Kambal, Karibal pagkatapos ng Sherlock Jr sa GMA Telebabad. Kasama pa rin dito sina Carmina Villaroel, Jean Garcia, Alfred Vargas, Marvin Agustin at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.