Magnolia Hotshots papasok na sa PBA Philippine Cup Finals
Laro sa Martes (Marso 20)
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Magnolia vs NLEX (Game 6, best-of-7 semifinal series)
LUMAPIT ang Magnolia Hotshots sa inaasam na muling pagtuntong sa pangkampeonatong serye matapos nitong biguin ang NLEX Road Warriors, 87-78, sa naging pisikal na Game Five ng kanilang 2018 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series Linggo ng gabi sa Ynares Center, Antipolo City.
Nagpalitan sa kalamangan ang Road Warriors at Hotshots sa kabuuang 18 beses sa unang tatlong yugto bago na lamang nagawa ng Magnolia na kontrolin ang ikaapat na yugto upang itala ang 3-2 bentahe sa kanilang serye at mangailangan na lamang ng isa pang panalo bukas para angkinin ang ikalawang silya sa Finals.
Una munang nagtamo si NLEX guard Kevin Louie Alas ng injury sa tuhod, may 40 segundo pa lamang ang lumipas sa unang yugto matapos matapakan ang paa ni Magnolia guard Paul Lee at hindi na nakabalik pa sa krusyal na labanan.
Dito na agad na itinala ng Hotshots ang pitong sunod na puntos para kontrolin ang laban at ilang beses hinarangan ang pagtatangkang makabalik ng Road Warriors at mapigilan itong maagaw ang kalamangan.
Isang tres ni Mark Barroca sa pagsisimula ng mahigpit na 59-58 iskor sa ikaapat na yugto ang nagpasimula ng 11-2 bomba para sa Hotshots upang itala ang 10 puntos na kalamangan, 70-60, may walong minuto pa sa laro.
Tanging apat na puntos lamang ang naisagot ng NLEX sa halos anim na minuto kung saan nagawa naman ng Magnolia na itala ang pinakamalaki nitong 18 puntos na kalamangan, 84-66, upang agawin ang bentahe sa kanilang serye papasok sa Game Six na gaganapin bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Pinamunuan ni Aldrech Ramos ang Hotshots sa itinala nitong 15 puntos at walong rebound.
Tanging nakalapit ang NLEX sa 75-64 may 5:49 ang nalalabi sa huling yugto bago na lamang tuluyang nalasap ang kabiguan na magtutulak dito upang magwagi sa susunod na dalawang laro upang agawin ang silya sa best-of-seven championship series kontra sa naghihintay na lamang na three-time defending champion San Miguel Beermen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.