Erich pinahihirapan nang todo sa taping ng ‘The Blood Sisters’
LUMAKI mang magkakahiwalay, nakatakdang mabalot ng inggit at pagseselos ang relasyon ng tatlong kambal na ginagampanan ni Erich Gonzales sa Kapamilya primetime series na The Blood Sisters bago pa ang ganap na pagtatagpo ng kanilang mga landas.
Sa pagpasok ni Erika sa buhay ng mga Bermudez at Almeda, unti-unti pa lang niyang kinakasanayan ang magkaroon ng isang kumpleto at masayang pamilya, maayos na trabaho, at pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo.
Ngunit kahit pagmamahal at pangungulila ang mananaig sa simula, dahan-dahan namang mararamdaman ni Carrie na napupunta na sa kanyang kakambal ang atensyon na dati ay siya lang ang nakakakakuha mula sa kanyang pamilya at dating nobyong si Samuel (Enchong Dee).
Wala namang kamalay-malay sina Erika at Carrie na mayroon pa silang pangatlong kambal — ang palaban, madiskarte, at laking Baguio na si Agatha na ngayon ay nakapiit sa kulungan.
Ngayong alam na ni Agatha na nabubuhay nang magkasama at marangya ang kanyang dalawang kapatid, gagawin niyang inspirasyon ang paghihirap na dinadanas upang makuha ang buhay na sa tingin niya ay ipinagkait sa kanya.
Paano ilalantad ni Agatha ang sarili kina Erika, Carrie, at mga Bermudez? Gabi-gabing subaybayan ang The Blood Sisters sa ABS-CBN Primetime Bida.
Samantala, puring-puri naman ng netizens at viewers si Erich dahil sa galing nito sa serye. Napakahirap daw ng kanyang role bilang triplets pero nabibigyan pa rin niya ito ng hustisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.