Ang itinanim ni Bong Tan | Bandera

Ang itinanim ni Bong Tan

Frederick Nasiad - March 16, 2018 - 10:11 PM

NOONG mga panahong butas-butas pa ang luma kong maong at nangangarap pa lang akong maging sportswriter ay masigasig nang tagasuporta ng Philippine sports ang Tanduay.

Isa sa mga original members ng Philippine Basketball Association (PBA) ang Tanduay mula 1975 hanggang sa ibinenta nito ang PBA franchise sa Purefoods noong 1987.

Nagbalik sa basketball scene ang koponan sa Philippine Basketball League (PBL) kung saan dinomina nito ang liga mula 1997 hanggang 1999 at nagbalik naman sa PBA mula 1999 hanggang 2001.

Tatlong beses nagkampeon ang Tanduay sa PBA at tatlong beses din sa PBL.

Mula noon ay tila nawala sa “limelight” ng Philippine sports ang Tanduay bagaman patuloy pa rin nitong sinusuportahan ang iba’t-ibang sports events sa bansa.

Ngayong may bago na akong maong pero sadyang butas-butas pa rin ay tila namumurong magkampeon ang Tanduay sa bago nitong ligang sinalihan, ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

Papasok sa quarterfinal round ng MPBL ay hawak ng Tanduay Batangas ang number one seeding at malaki ang tiwala ni Tanduay Distillers, Inc. president Lucio “Bong” Tan Jr. na maaangkin ng koponan ang unang korona sa liga.

Nakakuwentuhan namin ng mga kasama kong taga-dyaryo si Bong Tan sa Century Park Hotel sa Maynila nitong Huwebes and to my surprise, he is a very down to earth person with a passion for sports and a genuine desire to save the environment.

Mainit na mainit ngayon ang isyu patungkol sa balak ng gobyerno na ipasara ang buong isla ng Boracay upang malinis ito at maibalik ang dating ganda ng isla.

Bago pa man ito naging hot issue ay nakita na ni Bong Tan ang problema sa Boracay at sa kanyang makakaya ay tumulong siya para ma-rehabilitate ang paborito niyang isla.

Tinawag niya ang kampanyang ito na “Roots For Boracay” na may layuning tamnan at palaguin ang mga bakawan (mangroves) sa dalampasigan ng Boracay at turuan ang mga turista at lokal na residente ng isla kung paano mapangalagaan ang kapaligiran.

Kaakibat ng Tanduay sa proyektong ito ang Department of Environment and Natural Resources at ang local government ng Malay, Aklan.

Ayon kay Bong Tan ay “open” ang budget na ilalaan ng Tanduay sa “Roots For Boracay”. Ibig sabihin ay kahit na magkano ang kailangan ng mga kinauukulan para umusad ang “long-term” project na ito ay handa si Bong Tan na maglabas ng pera.

Isa lang ang kanyang kondisyon. Dapat aniya, ang pera ay mapupunta sa dapat nitong mapuntahan.
Ito rin ang kundisyon niya sa napipinto niyang pagtulong sa Philippine Olympic Committee (POC) at sa mga pambansang atleta.

Ikinatuwa niya ang pagkakaroon ng bagong pamunuan sa POC at aniya, handa siyang tumulong para sa ikauunlad ng Philippine sports.

Dumulog kasi sa pribadong sektor ang bagong POC president na si Ricky Vargas at hindi naman nag-atubili si Bong Tan na tumulong lalo pa’t ang pangunahing programa ng Tanduay Athletics ay ang grassroots development.

Isa pang balak pasukin ng Tanduay ay ang umuusbong na women’s volleyball.

Aktibong sinusuportahan ng Tanduay ang Philippine Volleyball Federation (PVF) beach volleyball na inoorganisa ng Cantada Sports.

Ngayong muling naging agresibo ang Tanduay sa Philippine sports, may tsansa bang magbabalik ito sa PBA?

Bakit naman daw hindi. Aminado si Bong Tan na PBA pa rin ang sports na tinatangkilik ng mga Pinoy.
Pero bakit nga ba sila umalis sa ligang ito?

May “interesting” na sagot dito si Bong Tan pero di ko na maiku-kuwento ito ngayon.

Wala na tayong ispasyo sa dyaryo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Maybe next time.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending