Buntis mula sa Meycauayan tumanggi nang ituloy ang kasong rape vs 3 pulis
NANAWAGAN si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa sa umano’y biktima ng rape sa isinagawang buybust operation sa Meycauayan City na lumutang at magpaliwanag para matuldukan na ang isyu.
“I am encouraging her [to come out], kung talagang totoo o hindi totoo, to set the record straight,” sabi ni dela Rosa.
Ito’y matapos namang magpadala ng sulat ang babae kung saan sinabi niyang ipapasa-Diyos na lamang niya ang pangyayari at hindi na kakasuhan ng rape ang tatlong pulis na isinasangkot matapos ang isinagawang buybust operation noong Marso 6.
“Ayoko na pong lumaban, gusto ko pong mawala. Wala po akong lakas ng loob, ubos na rin ang dahilan sa kahihiyan. Ano man po ang mangyayari sa amin, ma’am, sir, ipapasa-Diyos ko na lang po ito,” sabi ng babae sa sulat na binasa ni Sr. Insp. Susan Cullamco, head ng Bulacan police children and women’s desk.
Iginiit naman ni dela Rosa na tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Internal Affairs Service (IAS) sa kabila ng pag-urong ng babae.
Nauna nang inakusahan ng pitong-buwang buntis na babae na ginahasa umano siya ng tatlong pulis na sinaPO2 Jefferson Landrito, PO1 Marlo delos Santos, at PO1 Jeremy Aquino sa harap ng kanyang 2-anyos na anak.
Itinanggi naman ito ng tatlong pulis at iginiit na dapat mag-sorry ang babae para linisin ang kanilang pangalan.
“Gaya nga ng sinabi ko kanina after the investigation lumabas na negative sila, wala silang kasalanan ay unang-una I am encouraging them to file appropriate charges against the complainant,” sabi ni dela Rosa.
“Pero ngayon narinig ko sa text na ipapasa-Diyos na lang raw niya, I don’t know kung gawa-gawa lang niya ‘yon or talagang helpless siya, I advise you mag-isip isip muna kayo,” ayon pa kay dela Rosa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.