1K pamilya nawalan ng bahay matapos sumiklab ang sunog sa Las Piñas
TINATAYANG 1,000 pamilya ang nawalan ng bahay matapos ang limang oras na sunog sa dalawang komunidad sa Las Piñas kaninang umaga, sa kalagitnaan ng paggunita ng Fire Prevention Month.
Nagpalala sa sunog ang malakas na hangin, kawalan ng sapat na suplay ng tubig at makikipot na iskinita sa Laong Compound, Barangay Almanza Uno, na kumalat pa sa kalapit na Sampaguita Compound sa Barangay Pilar Village.
Sa isang ulat ni Senior Insp. Pena Borlad, ground commander ng Bureau of Fire Protection ng Las Piñas, sinabi niya na nagsimula ang sunog ganap na alas-2:54 ng umaga sa bahay ng Marilyn Cura sa Phase 1 ng Laong Compound habang nagluluto siya ng kanin gamit ang kahoy.
Umabot ang sunog ng ika-limang alarma, ganap na alas-5 ng umaga, na kumalat sa iba pang bahay sa isang squatters area sa likod ng compound ng isang mall.
Naapula ang sunog ganap na alas-7:02 ng umaga kung saan naabo ang 575 bahay na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Nagtamo ng bahagyang sunog ang isang lalaki sa kanyang braso matapos namang tangkaing isalba ang kanyang mga ari-arian.
Hinimatay naman ang isa pang lalaki nang makitang nasusunog ang kanyang bahay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.