MATAPOS pangunahan ang malaking breakaway group sa unang bahagi ng karera ay niregaluhan si El Joshua Cariño ng mga kakampi sa Navy-Standard Insurance na sina Ronald Oranza at Jan Paul Morales ng panalo sa Stage Five ng 2018 Ronda Pilipinas na nagsimula sa Echague, Isabela at nagtapos sa harapan ng San Jose City Hall sa San Jose, Nueva Ecija Huwebes.
Hinatak ng 24-anyos na si Cariño ang pulutong na tumakas sa malaking grupo at siya rin ang nagpasimula sa matinding bakbakan sa huling anim na kilometro para itulak sa unahan ang mga kakampi na sina Oranza at Morales.
Sa huling dalawang kilometro ng karera ay hinintay nina Oranza at Morales si Cariño at hinayaan siyang mauna ng bahagya pagdating sa finish line.
Bagaman pare-pareho ang nairehistrong tiyempo ng tatlo na apat na oras, anim na minuto at 58 segundo ay napunta naman kay Cariño ang lap victory.
Nanatili naman sa unahan sa overall standing si Oranza sa natipong oras na 17:40:13 habang ang defending back-to-back champion at naghahangad sa ikatlong sunod na titulo na si Morales ay nasa ikalawa sa kabuuang 17:45:12 tiyempo.
Nanatili si Jay Lampawog ng Go for Gold Development Team sa No. 3 (17:48:56) kasunod si Cris Joven ng Army-Bicycology sa No. 4 (17:51:16) at ikalima si Ronald Lomotos ng Navy-Standard (17:51:35).
Kinumpleto ang Top 10 nina Irish Valenzuela ng CCN Superteam (17:52:34), Ronnel Hualda ng Go for Gold Developmental Team (17:52:34), John Mark Camingao (17:54:26) at Rudy Roque (17:55:04) ng Navy-Standard at Leonel Dimaano Team Franzia (17:55:10).
Napanatili rin ng Navy ang pagkapit sa overall team race sa 70:54:59, mahigit isang oras na abante sa Go for Gold Developmental Team (71:24:25) sa karera na hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Nasa ikatlo ang Army-Bicycology na may 71:41:45.
Inuwi naman ni Cariño, na isang mountain-climber, ang kanyang unang lap victory ngayong taon at pangkalahatan na ikaapat sa Ronda.
Siya rin ang ikatlong miyembro ng Navy na nagwagi ng yugto ngayong taon matapos magwagi si Oranza sa unang dalawang yugto at si Morales sa Stage Four. Tanging si Cris Joven ang naiba matapos magwagi sa Stage Three.
“They (Oranza and Morales) already have lap victories while I just won one now,” sabi ni Cariño na mula Mangaldan, Pangasinan.
Nagkasya lamang naman si Oranza na manatili sa peloton sa buong parte ng 179.4-km stage para pagbigyan sina Cariño at Morales.
“Kung para sa ikagaganda ng koponan, hindi ako magsasawa na gawin dahil alam ko para iyon sa team at tutulong ako kung kinakailangan,” sabi ni Oranza, na asam masungkit ang kanyang pinakunang titulo sa Ronda matapos halos masungkit ito dalawang taon na ang nakaraan bagaman pumangalawa lamang sa kakampi na si Morales.
Patuloy na isusuot ni Oranza ang simbolikong LBC leader jersey sa pagsikad ngayong Biyernes, Marso 9, ng 111.8km Stage Six na magsisimula sa San Jose City Hall at magtatapos sa Tarlac Provincial Capitol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.