INUMPISAHAN na ni Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance sa stage 4 kahapon ang arangkada para sa ikatlong titulo sa Ronda Pilipinas.
Naghari ang 32-anyos na si Morales sa 135.2-kilometrong Tuguegarao-Isabela stage para sa una nitong lap victory sa taong ito.
Inungusan ni Morales sina George Oconer ng Go for Gold at Ronnel Hualda ng Go for Gold Developmental team kasama ang sampung iba pang siklista na kabilang ang overall leader na si Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance sa paspasan sa finish line upang manalo sa loob ng tatlong oras at 7.42 minuto.
Ikalawang podium finish ito ni Morales na tumapos sa ikalawang puwesto sa Stage One criteriumsa Vigan noong Sabado.
Matapos ang karera kahapon ay umangat si Morales sa pangalawang puwesto sa natipon nitong oras na 13:38:22 o limang minuto at isang segundo sa likod ng nangungunang si Oranza na may 13:33:21 tiyempo.
“Siyembre, Masaya kung makukuha ko ang ikatlong titulo pero hindi ko na iniisip iyung kung mapupunta kay Ronald (Oranza) o sinuman sa team namin ang mananalo basta ba manggagaling lang sa Navy,” sabi ni Morales.
Gayunman, nangako ang mula Villasis, Pangasinan na si Oranza na gagawin ang kanyang buong makakaya upang manatiling kampeon sa karerang may ayuda ng LBC at supportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Cycling, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Maging si Oranza ay desidido ring manalo sa taong ito.
“Gagawin ko buong makakaya ko para maisuot hanggang huli ang red jersey (ng overall leader),” sabi ni Oranza.
Umangat naman si Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental team sa No. 3 sa oras na 13:40:16 habang pang-apat si Cris Joven ng Army-Bicycology sa 13:40:57. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.