Nash Aguas pang-best actor ang akting sa The Good Son
NAGKAROON na ng kasagutan ang bawat tanong ng viewers matapos aminin ni Calvin (Nash Aguas) na siya ang utak sa pagkamatay ni Victor (Albert Martinez) sa The Good Son.
Dahil sa patuloy na pag-usig ng kanyang konsenya, hindi na napigilan pang ilahad ni Calvin sa kanyang psychiatrist ang paglason niya kay Victor. Inilahad niya kung paano niya nilagyan ng kemikal ang inumin ng kanyang amain bilang ganti sa patuloy nitong pananakit sa ina niyang si Oliva (Eula Valdez).
Mas lalo ring naging emosyonal si Calvin matapos niyang ilarawan kung paano siya inudyok ng mga boses na kanyang naririnig upang gawin ang krimen, na nagpapatunay sa lalong lumalalang kundisyon niyang schizophrenia.
Dahil naman sa rebelasyong ito, hindi makapapayag si Joseph (Joshua Garcia) na basta na lamang hayaan si Calvin na makakawala at sisiguraduhin niyang pagbabayarin niya ito sa kanyang kasalanan.
Ngunit magiging kasangga naman ni Calvin si Olivia at kapatid nitong si Enzo (Jerome Ponce).
Ano nga ba ang kahahantungan ni Calvin ngayong alam na ang kanyang kasalanan? Naapanood ang The Good Son, gabi-gabi pagkatapos ng La Luna Sangre sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Samantala, pang-best actor na raw talaga ang ipinapakitang akting ni Nash sa TGS. Grabe ang mga papuri sa kanya ng mga manonood at ng netizens. Pagkatapos daw ng The Good Son karapat-dapat lang daw na mabigyan agad ng mas bonggang project ang binatilyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.