SIMULA Enero 2017 hanggang ngayon, umabot na sa higit 80 celebrated graft at plunder cases ng Ombudsman ang ibinasura ng Sandiganbayan dahil sa tinatawag na “legal defense” na “inordinate delay”. Ayon sa Sandiganbayan, ang may kasalanan dito ay ang super bagal na prosecution team ng Ombudsman na nabigong palakasin ang kanilang kaso at i-convict ang mga akusado. Kaya depensa nila, nalabag daw ang kanilang “constitutional right to speedy trial”.
Kabilang sa napawalang sala dahil sa technicality kahit hindi nilitis ng korte ang mga kaso gaya ng kina ex-GSIS pres. Winston Garcia, ex-Palawan gov. Joel Reyes, Sen. Lito Lapid, Masbate Gov. Antonio Kho, Bacolod Mayor Evelio Leonardio, Bohol Rep. Arthur Yap, Marinduque Rep. Edmundo Reyes Jr., Leyte Rep. Jose Carlos Cari, Nueva Ecija Rep. Rodolfo Antonino, Ex-Surigao del Norte gov., Robert Lyndon Barbers , Zamboanga del Sur Gov. Aurora Cerilles.
Mahaba ang listahan, P62 bilyon Radstock PNCC Debt deal, P782 milyon Bohol undervalued Privatization of Utilities deal, P14.9 milyon, Zamboanga del Sur Solar light anomaly, P13.1 milyon Surigao del Sur Pork Barrel scam, bukod pa sa P723 milyon fertilizer fund scam at ang mastermind na si dating Agriculture Usec Jokjok Bolante na naabswelto rin ng dalawang beses sa Sandiganbayan.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, hindi raw nauunawaan ng Sandiganbayan ang limitasyon ng kanyang tanggapan, kulang sila sa tao bukod sa mahirap daw humanap ng ebidensya sa corruption. Nagpetisyon siya sa Korte Suprema para kastiguhin ang Sandiganbayan.
Pero, ayon naman kay Associate justice Efren de la Cruz, ang Korte suprema ang nagdoktrina ng pagbibilang ng araw simula sa araw ng “filing”, kasunod ang “fact finding”, preliminary investigation hanggang sa pagsumite nito sa Sandiganbayan. Ang nais ng Ombudsman, baguhin ang pagbilang at dapat daw simula sa “preliminary investigation” hanggang pagsampa ng kaso. Hanggang ngayon, wala pang aksyon dito ang Korte Suprema.
Samantala, apat na buwan na lang ay mag-reretiro na si Ombudsman Morales. At sa kanyang natitirang panahon, na hanggang Hulyo, meron kaya tayong makita pang pagbabago?
Simula noong umupo siya noong 2010, parang nakawala o nakapag-pyansa na yata lahat ng mga pinakulong nila — dating Pangulong Gloria Arroyo, dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Bolante, Ex Palawan Gov. Joel Reyes. Meron ding alegasyong “selective justice” laban sa kanya. Kamakailan, sinampahan niya ng “usurpation of authority” hindi “homicide” si dating Pangulong Noynoy Aquino sa Mamasapano massacre, na binaligtad naman ni Solicitor General Jose Calida at kinatigan ng Korte Suprema. Idagdag pa riyan ang mga naka-pending pang imbestigasyon sa naglalakihang “projects” sa ilalim ng unconstitutional DAP at PDAF, at Dengvaxia scandal ng Aquino administration.
Apat na buwan na lang, mukhang wala na ring magagawa.
Dito ako nalulungkot na parang nababalewala ang mga pagkagalit noon ng taumbayan sa Fertilizer fund scam, DAP at PDAF cases, at nababaon ang mga kaso sa “freezer”. Kapag nai-akyat naman sa Sandiganbayan, ididismis dahil sa “inordinate delay” o kapalpalkan ng Ombudsman.
Kaya walang nangyayari sa bayan natin, ang mga pangungurakot noong panahon ni Cory, Ramos, Estrada, PGMA at PNOY, walang napapakulong at nako-“convict” na bigtime “corrupt” ang Ombudsman natin.
Huwag nang magtaka kung bakit hindi matigil-tigil ang corruption sa gobyerno. Ombudsman, puro paasa, puro dribol, larong patalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.