Castro maglalaro sa Gilas Pilipinas ngayon kontra Japan
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7:30 p.m. Pilipinas vs Japan
MAGBABALIK-aksyon si Jayson Castro para sa Gilas Pilipinas na haharapin muli ang Japan para sa pagpapatuloy ng FIBA Basketball World Cup 2019 Asian Qualifiers sa Mall of Asia Arena, Pasay City ngayong gabi.
Si Castro, ang star point guard ng koponan at kinikilala bilang Asia’s Best Point Guard, ay hindi nakapaglaro sa 84-68 pagkatalo ng Pilipinas sa Australia noong Huwebes sa Melbourne bunga ng ankle injury.
Sina Jio Jalalon at Troy Rosario, na hindi rin naglaro kontra Boomers, ay maglalaro rin ngayon laban sa Japanese cagers.
Pinalitan nina Castro, Jalalon at Rosario sina Kevin Alas, Carl Brian Cruz at Abu Tratter sa final lineup na inanunsyo ni national team coach Chot Reyes sa Facebook page ng ESPN5.
Makakasama ng tatlo sina June Mar Fajardo, Gabe Norwood, Japeth Aguilar, Calvin Abueva, Kiefer Ravena, Matthew Wright, Roger Pogoy, Allein Maliksi at ang naturalized Pinoy na si Andray Blatche.
Pinangunahan ng reigning four-time PBA MVP na si Fajardo ang Filipino cagers sa ginawang 15 puntos kontra Australia, na nanatiling walang talo sa Group B sa 3-0 karta.
Si Blatche, na nagtala ng walong puntos at pitong rebound laban sa Australia, ay inaasahan na magpapakita ng mas magandang laro laban sa Japan, na hindi pa nagwawagi sa tatlong laro.
Kaya naman puwersadong manalo ang Japan sa pagsagupa nito sa Pilipinas sa ikalawang pagkakataon ngayong gabi.
Aminado si Japan head coach Julio Lamas na hindi maganda ang sitwasyon ng kanyang koponan.
“We want to win. If we can beat Philippines, great. Or if we can beat Chinese Taipei away by two points, then we can go to the second round,” sabi ni Lamas. “It’s not the situation we want, but it’s the situation we have now.”
Matapos mabigo sa unang dalawang laro kontra Pilipinas at Australia noong Nobyembre ay lalong naging masaklap ang sitwasyon para sa Japan matapos na malasap ang 69-70 kabiguan mismo sa lugar nito kontra Chinese Taipei nitong Huwebes.
“The main thing for Japan is to pull together. We have to become one and win the next game,” sabi ni Japanese forward Naoto Tsuji, na nagbuslo ng walong 3-pointers para umiskor ng 26 puntos para sa Japan kontra Chinese Taipei.
Umaasa si Lamas na magiging hamon ang kabiguan sa laban nito sa Pilipinas na may 2-1 rekord sa Group B.
“It’s not a good time for me to question the quality of the players. It’s time for me to help the players and the team to improve for the next game. After the next game, the second window is finished and we have time to think,” sabi nito.
Natikman naman ng Piipinas ang una nitong kabiguan laban sa mas pasensyoso at mas matatangkad na Australia na ika-10 sa FIBA world rankings.
Tanging sa unang hati lamang nagawang makipagbakbakan ng Gilas kung saan nagawa pa nitong kapitan ang ilang beses na limang puntos na abante sa ikalawang yugto na ang pinakahuli ay 30-25 bago naiwan ng kalaban sa second half.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.