P3.5 bilyon nawawala sa ekonomiya dahil sa trapik-Jica
UMABOT na sa P3.5 bilyon ang nawawala sa ekonomiya kada araw dahil sa trapik sa Metro Manila, ayon sa Japan International Cooperation Agency (Jica) .
Sinabi ni Susumu Ito, Jica Philippines chief representative, na mas mataas ito kumpara sa P2.4 bilyon na pagtaya matapos ang isinagawang pag-aaral noong 2014.
Idinagdag ng Jica na nakatakdang maging pinal ang Transport Infrastructure Roadmap Study for Mega Manila ngayong Abril.
Sinabi ng Jica na suportado nito ang “Build, Build, Build” infrastructure program ng administrasyon ni Pangulong Duterte.
Kasabay nito, isinulong ng Jica study team ang pagtatayo ng railway, daan, expressway, road-based public transport, traffic management at mga airport projects na nagkakahalaga ng P2.61 trilyon.
“If the roadmap was to be implemented, the economic benefit for Metro Manila would reach P4 billion a day or P1.2 trillion yearly in terms of reduction in transportation costs, including travel time cost and vehicle operating cost,” sabi ng Jica.
Sinabi pa ng Jica na mababawasan din ang ginagastos ng mga mananakay sa P24 kada araw mula sa kasalukuyang P42 kada araw.
Idinagdag pa ng Jica na iiksi rin ang oras na ginugugol ng mga pasahero sa pagbibiyahe sa Metro Manila sa 31 minuto mula sa kasalukuyang 80 minuto kada biyahe.
Kabilang sa mga transport roadmap ang North-South Commuter Railway Project mula Tutuban sa Maynila hanggang Malolos, Bulacan, at phase six ng Metro Manila Interchange Construction Project, at ang Mega Manila Subway Project.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending