NLEX Road Warriors siniguro ang silya sa quarterfinals
Mga Laro sa Pebrero 21
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Kia Picanto vs GlobalPort
7 p.m. Blackwater vs Phoenix
SINIGURO ng NLEX Road Warriors ang silya nito sa quarterfinals matapos bumalikwas sa ikaapat na yugto bago tinalo ang Blackwater Elite, 93-90, sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup elimination round game Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sinandigan ng Road Warriors ang anim na sunod na 3-point shot na lima ay mula kay Kevin Louie Alas at isa kay Kiefer Ravena sa pagsisimula ng ikaapat na yugto upang burahin ang pagkakaiwan sa 65-74 tungo sa pagkapit sa 82-78 abante na dumiretso na sa ikaapat nitong sunod na panalo at kabuuang 6-4 panalo-talong kartada.
“Sinuklian ko lang iyung ibinibigay sa aking tiwala ni coach Yeng (Guiao),” sabi ni Alas, na nagtala ng team at career high 25 puntos, kabilang ang limang tres sa huling yugto, na sinamahan pa niya ng 8 rebound at 5 assist.
“Marami akong hindi magandang laro lalo na pagdating sa fourth quarter pero hindi siya nagsasawa na turuan ako at marami rin akong natututunan sa kanya,” sabi pa ni Alas, na matatandaang kinuha ni Guiao noong 2016 PBA Rookie Draft subalit agad na nailipat sa ibang koponan.
“He (Alas) has already completed the transformation from slasher to a shooter,” sabi ni Guiao patungkol kay Alas. “Mahirap na siya ngayon bantayan ng kalaban with his court knowledge.”
Ang kabuuang ikaanim na panalo ay nag-angat naman sa Road Warriors sa pakikipagsalo sa ikaapat na puwesto kasama ng Alaska Aces.
Nag-ambag naman si Ravena ng 23 puntos at 3 rebound habang si Juami Tiongson ay may siyam na puntos at si JR Quinahan ay nag-amba ng walong puntos.
“Based on our computations, six wins will put you in the quarterfinals. Iiwas lang kami sa 7 or 8, masaya na kami. We will be happy, very happy with 5 or 6, dahil medyo even ang terms at walang masyadong disadvantage. Huwag lang twice to beat ang kalaban namin, masaya na kami,” sabi pa ni Guiao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.