Special portal ng DFA para sa first time OFWs
WALANG kategoryang matatawag ang mga kababayan nating mag-aabroad pa lamang sa unang pagkakataon upang magtrabaho sa ibayong dagat.
Sa madaling salita, hindi pa sila officially OFW, pero hindi rin naman sila magtuturista.
At ngayong pahirapan ang pagkuha ng appointment sa Department of Foreign Affair, dahil sa pagdagsa ng mga aplikante nito para makakuha ng pasaporte, may nangangamba na maaaring ito ang maging dahilan para maantala ang pagproseso ng kanilang kailangang dokumento.
Ayon kay Assistant Secretary Frank Cimafranca ng Office of Consular Affairs ng DFA, may inilaan silang portal at eksklusibo ito para sa mga recruitment agencies upang doon sila mag-aaplay para sa kanilang mga aplikante na papaalis ng bansa.
Pansamantala kasing walang slots ang mga travel agencies at hindi rin sila maaaring pumasok sa anumang kategorya na pinagseserbisyuhan ng kanilang “courtesy lane.”
Hindi nga naman makapaghihintay ang trabahong inaaplayan nila sa abroad. Maaaring mawala sa kanila ang oportunidad na iyon at ibigay sa iba, o maaaring sa ibang lahi pa nga.
Kung recruitment agency ang magaaplay sa DFA, ibig sabihin, dumadaan sa tamang proseso ang isang aplikante.
Solusyon ang ibinalita ni Cimafranca nang makapanayam natin siya sa INQlive. May nakalaan na umanong pondo upang makapagbukas sila ng walo pang consular offices nationwide.
Sa kasalukuyan, may 11,000 mga pasaporte ang nagagawa nila araw-araw. Kapag nabuksan ang walo pang mga tanggapan sa ibang probinsiya at karatig na mga lugar sa Metro Manila, dagdag 4,000 iyon.
Ito ay bukod pa sa dagdag na 2,000 na ipinoproseso mula sa mobile on wheels at passport services na hihilingin ng mga local government units o LGU.
Sa loob ng apat hanggang anim na buwan, maasahan ito ng ating mga kababayan at maiibsan na ang problema ng appointment system. Kakayanin na nilang makagawa ng 17,000 pasaporte araw-araw.
Hindi nila aalisin ang appointment system dahil napakalaki umano ng tulong nito na makontrol ang tao sa mga pasilidad ng DFA at kaagad matugunan ang mga naka-schedule lamang.
Sadya nga lamang may mga mapagsamantala tayong kababayan na kumukuha ng appointment slots at ibinebenta iyon sa halagang P2,500 hanggang P5,000.
Ayon kay Cimafranca, isang solusyon dito ang pagpapatupad ng online payment. Kapag kumuha ng appointment, magbabayad na rin sila. Bawas oras din ito sa kanilang pagtungo sa DFA, at higit sa lahat, maiiwasan na ang mga bogus appointments na pinagkakakitaan ng ilan. At kung wala na namang pangangailangan pa, wala na rin silang mabebentahan.
Alangan nga namang mamuhunan pa siya sa bawat appointment slot ng P1,200. Dahil ilang panahon na lamang at maiibsan na ang problemang ito sa DFA.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.