Ancajas, Tabora at Biado napiling PSA Athletes of the Year
MULING nagpakita ng kinang ang boxing, bowling at billiards sa Philippine sports nitong nakalipas na taon.
Nangyari ito matapos na magpamalas ng kahusayan ang boxing champion na si Jerwin Ancajas, bowler Krizziah Lyn Tabora at cue master Carlo Biado sa kani-kanilang natamong tagumpay sa labas ng bansa para ipakita ang world-class na talento ng mga atletang Pinoy at maghatid ng pagmamalaki at kasiyahan sa bansa.
At dahil sa kanilang hindi makakalimutang tagumpay noong 2017, sina Ancajas, Tabora at Biado ay pagkakalooban ng pinakamataas na parangal sa gaganaping SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Maynila Hall ng Manila Hotel sa Pebrero 27.
Sina Ancajas, Tabora, at Biado ay mga first time winners ng Tapa King-Athlete of the Year award na ibinibigay ng pinakamatagal na media organization kada taon sa taunang tradisyonal na event na hatid ng MILO at Cignal TV.
Ito rin ang unang pagkakataon magmula noong 2015 na nagkaroon ng tatlong awardee para sa Athlete of the Year. Ang mga boksingerong sina Nonito Donaire Jr. at Donnie Nietes at ang golfer na si Miguel Tabuena ang nagsalo sa nasabing parangal tatlong taon na ang nakalipas.
“The PSA is proud to announce Jerwin Ancajas, Krizziah Tabora and Carlo Biado as its Athletes of the Year for 2017. They are truly deserving of the award for the great honor they brought to the country with their respective victories in the world stage,” sabi ni PSA president at SPIN.ph editor Dodo Catacutan.
Maliban sa Athlete of the Year ang iba pang pangunahing parangal na ibibigay ay ang President’s Award, Executive Award, National Sports Association of the Year at ang major awardees na ipagkakaloob sa pormal na seremonya ng event na suportado ng Philippine Sports Commission bilang major sponsor katuwang ang Mighty Sports, Rain or Shine, Globalport at Philippine Basketball Association.
Ang 25-anyos na si Ancajas ay sinumulan ang taong 2017 sa pamamagitan ng matagumpay na title defense ng kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight belt sa pagtala ng seventh-round stoppage kay Jose Alfredo Rodriguez ng Mexico noong Enero 29 sa Macau.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.