Ryza Cenon, JC Santos muntik nang malunod sa secret beach ng Palawan
WALANG balak si Ryza Cenon na layasan ang GMA 7. Marami na siyang kasamahan sa Kapuso Network na lumipat na sa ABS-CBN, kabilang na ang mga tulad niyang produkto rin ng artista search na StarStruck.
Pero ayon kay Ryza, priority pa rin niya ngayon ang GMA kahit na ang Viva Artist Agency na ang nangangalaga sa kanyang career. Patuloy pa ring humahataw sa rating ang afternoon teleserye niya sa GMA na Ika-6 Na Utos kasama sina Sunshine Dizon at Gabby Concepcion.
Sa nakaraang presscon ng bago niyang pelikula, ang “hugot movie” na “Mr. & Mrs. Cruz” nagpapasalamat siya sa Viva dahil binigyan siya ng chance na makapagbida sa mainstream movie kapartner ang napakagaling ding aktor na si JC Santos.
Una na siyang nagbida sa indie movie na “Ang Manananggal sa Unit 23B” na ipinalabas last year. Sey nga ni Ryza, “Sa 12 years ko po sa showbiz, ngayon lang po ako nakagawa ng pelikula. And may pressure for me. Pero mas lamang pa rin ‘yung excitement. At nakakatuwa kasi puro magaganda yung feedback sa amin ni JC nang lumabas ‘yung trailer namin.”
Samantala, tungkol sa love, commitment at marriage ang “Mr. & Mrs. Cruz” mula sa Viva Films at IdeaFirst Company na isinulat at idinirek ni Sigrid Andrea Bernardo, na siya ring nagdirek ng 2017 highest-grossing Pinoy film “Kita Kita.”
Sa pelikula, tatalakayin ang isang usapin na kasama lagi ng love, ngunit madalas na iniiwasang pag-usapan: ang “commitment”. Kuwento ito nina Raffy (JC) at Gela (Ryza) na nagpunta sa Palawan upang magbakasyon at makapag-isip-isip. Matatagpuan nila ang isa’t isa sa paraiso kung magsisimula ang kanilang pag-ibig, ngunit masusubukan din dito ang kanilang paniniwala tungkol tunay na meaning ng pag-ibig. Magawa kaya nilang malampasan ang mga pagsubok sa kanilang pagmamahalan?
Ang “Mr. & Mrs. Cruz” ay unang pagtatambal nina JC at Ryza ngunit ayon kay direk Sigrid, napakalakas ng chemistry ng dalawa na siguradong mararamdaman din ng mga manonood. Matatawag ding travel movie ang nasabing proyekto dahil ang buong pelikula ay kinunan pa sa napakagandang isla ng El Nido, Palawan.
Isang malaking hamon ang pagsu-shoot ng pelikula sa Palawan. “Literal na buwis buhay” ang paglalarawan ni direk Sigrid sa naging experience nila roon. Sa isa sa kanilang mga shooting days, muntik nang ma-trap sa isang exclusive beach ang grupo.
“Sobrang chill lang kami. Nagkakantahan pa in between shots, not knowing na super high tide na pala sa labas ng exclusive beach kung saan kami nagsu-shoot. Bago ka kasi makarating doon, kailangan mo munang pumasok sa isang cave.
“Sinabihan na lang kami ng guide namin na kailangan na naming lumabas dahil malakas na ang ulan at mataas na ang tubig sa labas. So, lumalabas pa lang kami ng cave ramdam na namin na mataas na talaga yung tubig. As in, kailangan mong sumisid para makalabas ka,” kuwento pa ng direktor.
Kaya nga hinding-hindi makakalimutan nina JC at Ryza at ng buong production ng pelikula ang shooting nila sa Palawan dahil muntik na nga silang malunod sa laot. Doon daw nila napatunayan kung gaano kaepektib ang taimtim na dasal sa gitna ng unos.
Magiging maaga ang Valentine’s Day ngayong 2018 dahil sa pelikulang “Mr. & Mrs. Cruz” na showing na sa mga sinehan nationwide simula sa Jan. 24.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.