HINDI pa rin nababago ang lumang estilo ng mga kababayan natin sa Hong Kong: ang walang-kamatayang utangan, hiraman ng passport, pagpapagamit ng pasaport para makautang ang iba.
Mga sistemang umiiral noon pero umiiral pa rin hanggang ngayon.
At tila wala pang natututo rito.
Gaya na lamang ng isang OFW na na terminated ngayon sa HK.
Nakiusap sa kanya ang kamag-anak na kapwa din OFW sa HK. Umuutang ito sa isang lending company at napapapayag naman niya na ipahiram ng kaanak ang pasaporte na siyang isinumite kapalit ng perang inuutang.
Buong tiwala naman ang OFW na hindi siya ipapahamak ng naturang kadugo.
Ngunit makalipas ang ilang buwan ay hindi nakakabayad sa kanyang pagkakautang ang OFW kaya siya ang nadiin.
Ang nagpahiram ng passport at siyang ginamit na garantiya sa lending company ang siya ngayong hinabol sa naturang pagkakautang.
Humingi pa ng tulong ang OFW sa ating Konsulado ng Pilipinas at nakipagkasundo itong siya na lamang ang magbabayad ng pagkakautang ng kaanak na imo-monitor naman ng konsulado kung tumutupad nga ito sa kanyang pangako.
Makalipas ang isang buwan, hindi ito nakapagbayad. Kaya’t hinanap siya ng mga tauhan ng lending company sa pinagtatrabahuhan nito.
Nang malaman ng kanyang employer na sinisingil ng mga ito ang kaniyang domestic helper, hindi ito nag-atubiling sibakin ang OFW.
Para sa mga employer sa Hongkong, malas daw kasi kapag may naniningil sa kanilang bahay.
Ibinigay na lamang ng employer ang separation pay ng OFW para sa 10 taong paninilbihan nito sa kanila.
Buong akala ng OFW na hindi siya ipapahamak ng kanyang kaanak. Ngunit hindi naman pala!
May mga nagsasabi nga na “Huwag magtiwala sa mga taong hindi natin kilala, ngunit lalong huwag magtitiwala sa mga taong kilala natin.”
Sa kabilang banda, mabilis kasing magtiwala ang tao, bukod sa naroroon din ang pagnanais na makatulong, kung kaya’t hindi na sila nagdadalawang isip na mag-alinlangan o magkaroon ng bahid man lamang ng pagdududa kung kaya’t madali silang napapayag sa ganitong mga transaksyon.
Pero ang nakalulungkot, ang mga taong akala natin ay tiwalang-tiwala tayo, ang siya pang manloloko sa atin. Palaging huli na nga para magsisi.
Magsilbi pa rin sana itong aral para sa lahat na huwag basta magpapaniwala kahit pa sa mga kamag-anak.
Hindi naman ibig sabihin nito na hindi na tayo magtitiwala sa ating kapwa.
Pakaingat na lamang at palaging isipin na potensiyal kayong biktima ng mga taong mapagsamantal.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.