TILA lumiliit na ang siwang ng pag-asa para mabago ang Konstitusyon at mapalitan ang porma ng gobyerno.
Kung talagang gusto, kailangang magmadali ang Senado at Kamara de Representantes dahil lumalapit na rin ang panahon ng eleksyon.
Sa Oktubre ay inaasahan na ang paghahain ng certificate of candidacy ng mga tatakbo sa 2019 elections.
Kaya ngayon pa lang ay siguradong abala na ang mga nagpaplano na tumakbo sa halalan. Nag-iikot na at naghahanap na ng panggastos.
Hindi naman lihim na bago pa matapos ang 2017 ay busy na sila.
Merong gusto na manatili sa puwesto. Nariyan ang mga gustong makabalik sa puwesto. At ang mga gustong makakuha ng puwesto.
Kung sila ay tatakbo sa halalan, isang malaking katanungan ay kung susuportahan ba nila ang Chacha?
Bakit nga naman sila tatakbo sa posisyon na bubuwagin na? At nakasisiguro ba sila na mananatili sila sa puwesto kung iba na ang itsura ng gobyerno? Baka ang pagsuporta sa Chacha ay isang trap na nakadisenyo para mapalitan sila o ang kanilang pamilya at iba na ang maghari sa kanilang teritoryo.
Hindi naman maitatanggi na mayroong personal na interes na mangingibabaw sa planong pagpapalit ng gobyerno.
Siyempre ang gusto ng mga nasa puwesto, nasa pwesto pa rin sila pagpalit ng gobyerno. Kung matatanggal sila bakit nga naman nila ito susuportahan di ba?
***
Kung tutuusin ay mayroong nang quorum ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa Kamara de Representantes.
Siyam na mahistrado na ng Supreme Court ang ipinatawag ng House committee on justice at inaasahan na darating ang lahat ng ito. Mayroong 15 mahistrado ang SC kaya mayorya na ang siyam na ipinatawag kahit pa wala si SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kamakailan ay inimbitahan na ng komite sina Associate Justices Antonio Carpio, Lucas Bersamin at Diosdado Peralta para tumestigo sa mga ginawa ng nais ipa-impeach na si Sereno.
Ipinatawag na rin sina Associate Justices Samuel Martires, Mariano del Castillo at Andres Reyes Jr.
Humarap na rin sa komite sina Associate Justices Teresita Leonardo-de Castro, Noel Tijam at Francis Jardeleza. Ipinatawag na rin si dating SC Associate Justice Arturo Brion na kung bibilangin ay pang-10.
Quorum na. At nagkasundo sila na magsalita laban kay Sereno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.