SWAK sa kulungan ang indie actor na pinaghahanap ng pulisya dahil sa hindi pagbabayad at pagnanakaw sa mga motel sa Metro Manila makaraang masakote sa isang hotel sa Makati kahapon ng umaga.
Nahaharap sa patung-patong na kasong estafa, theft, swindling, resisting arrest at paggamit ng pekeng pangalan si Marco Morales (Marco Gonzaga Saga sa totoong buhay).
Nahuli si Morales ng mga sekyu nang tinangka niyang takasan ang kanyang bill sa isang hotel sa Makati.
Nanlaban pa siya sa mga rumespondeng pulis at sinabing may kaibigan siya na magbabayad sa kanyang bill.
Ayon sa ulat, nag-check-in si Morales sa hotel noong Lunes gamit ang isang credit card. Nang madiskubreng walang pondo ang card ay agad itinimbre ng mga hotel personnel ang aktor sa pulisya.
Itinanggi naman ni Morales na nagnakaw siya ng mga gamit sa mga motel na kanyang tinuluyan sa Maynila. Gayunman, inamin niyang tinakasan ang mga ito dahil walang pambayad.
Ilang araw nang pinaghahanap ng pulis si Morales makaraang makilala siya sa ID na kanyang naiwan matapos takasan ang motel sa Pasay noong Hunyo 10.
Sa insidente, tinakasan ni Morales ang establisimento alas-4 ng hapon matapos ang 36-oras niyang pananatili roon. Umabot sa P10, 210 ang kanyang bill.
Hindi na nga nagbayad ng bill ay ninakaw pa umano ng aktor ang 32-inch LED television set at sinagasaan pa ang isang empleyado ng motel na tinangka siyang harangin.
Iyon ang ikalawang beses na tumakas ng hotel nang hindi nagbabayad ni Morales, ayon sa pulisya.
Noong una, iniwan niya ang dalawang kasamang babae sa isang motel kaya ang mga ito ang nagbayad ng bill.
Ilan sa mga pelikulang ginawa nito ay ang Walang Kawala at Heavenly Touch kung saan nagpakita siya ng kanyang hinaharap.
Maliban sa mga pelikula, lumabas din siya sa ilang teleserye kabilang ang Bud Brothers, Langit Sa Piling Mo at Koreana.
“We don’t know why he did those things. He has become notorious among hotels and motels,” ayon sa isang imbestigador. —Inquirer
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.