Kilalang female star takot sa tsismis kaya sa ibang bansa pa idine-date ng dyowang aktor
PALAGING malihim sa kanyang pakikipagrelasyon ang isang kilala at magandang female personality.
Wala siyang kinukumpirmang anuman, palagi siyang paiwas kung sumagot, pero kabaligtaran naman nu’n ang kanyang mga ginagawa.
Gusto raw kasi niyang manatiling pribado ang takbo ng kanyang lovelife, ‘yung walang mga isyu-isyu, walang ingay at gulo.
Mas gusto niyang sa ibang bansa sila naglalambingan ng kanyang boyfriend, magastos ang kanyang nakasanayan, kailangang maging masipag ang kanyang partner para makaipon ng pambiyahe nila.
Kuwento ng isang source, “Ewan naman sa babaeng ‘yun kung bakit kailangan pang sa ibang bansa sila nagpapakita ng PDA ng boyfriend niya. Magastos ang gusto niya, hindi naman sa lahat ng pagkakataon, e, may datung ang lalaki, di ba?
“Pero ‘yun ang trip niya, sa abroad talaga, mas comfortable daw kasi kapag ganu’n dahil walang mga matang nakatutok sa kanila,” simulang kuwento ng aming impormante.
Madalas na pinupuntahan ng nakakarelasyon niya ang magandang aktres, may mga pagkakataong umaga pa lang ay nasa house na niya ang lalaki, pero madaling-araw nang umaalis.
“Ganu’n siya kaingat. Hindi mo siya makikitang kasama ang guy sa labas, du’n lang sa house niya nagpupunta ang lalaki, kaya walang mga pictures na lumalabas na magkasama sila.
“Siyempre, gusto rin ng guy na ipagmalaki ang girlfriend niya, di ba? Pero sorry na lang, hindi ganu’n ang type ng girl, sobra siyang malihim,” kuwento uli ng aming source.
Mahiwaga ang buhay ng babaeng ito, maraming kuwento tungkol sa kanyang tunay na kasarian, pero napakalayo naman nu’n sa kanyang kilos at galaw. Parang hindi totoo ‘yun, parang gawa-gawa lang, dahil girl na girl ang kanyang dating.
“Ang ganda-ganda niya, parang hindi naman kapani-paniwala na nakikipagrelasyon nga siya sa lalaki, pero babae naman kuno ang hanap niya, ganern! Iugnay na lang natin ang name niya sa isdang napakaliit na masarap gataan,” pagtatapos ng aming impormante.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, getlak n’yo na kung sino ang magastos sa pakikipagrelasyong magandang aktres na ito, game na!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.