NAG-init ang ulo ng ilang heneral kahapon sa Maguindanao, na nagpapatupad ng martial law, sa nadinig na mga panayam sa radyo sa magagaling at pinagpipitaganang mga politiko na pinasusuweldo pa rin ng taumbayan pero mas mayayabang pa sa bumubuhay sa kanila. Maliban sa iilan (bukod tangi si Sen. Joker Arroyo na taliwas ang pananaw sa martial law ni Gloria kesa noong nilabanan niya ang “1081”), karamihan ay biglang naging eksperto sa gera, armas at bala; mas matatalino pa kesa mga heneral na nagsunog ng kilay sa Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy. Ang mga sundalo’t pulis ay nagbubuwis ng buhay ngayon sa Maguindanao. Ang mga politiko, kailan man, ay hindi (pero sila ang maiingay at walang tigil sa kadadakdak). Kung matatapang ang mga politikong dakdak, anang isang heneral, ay samahan nila ang mga kawal ng pamahalaan sa pagtugis sa mahigit 100 katao na pumatay sa 60 katao, kabilang ang 30 mamamahayag.
BANDERA Editorial, 120709
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.