KAKAIBANG martial law ang Proclamation 1959. Sa martial law ni Gloria, na idineklara lamang sa isang lugar na balewala ang buhay ng tao at wala nang gobyerno, malayang dumadakdak ang mga komunista, may trabaho pa ang mga mamamahayag (bukas ang lahat ng pahayagan, pati na ang hao shao, at mga istasyon ng radyo at telebisyon), walang curfew, mas matatapang pa magsalita ang mga kalaban ng pangulong babae na ay maliit pa (kaya paboritong bugbugin kahit na ng mga macho), nakabantay sa mga sundalo’t pulis ang mga sandigan (kuno) ng karapatang pantao (pero hindi nila kinokondena ang mga pamamaslang ng New People’s Army, Abu Sayyaf, Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front, at maging ang “pagbura” ng mga warlords sa kanilang mga kaaway), at, higit sa lahat, bukas ang Senado, Kamara at mga hukuman.
Kakaiba nga ang Proclamation 1959 dahil puwede itong kontrahin sa lehislatura’t hukuman nang di dinadampot ang mga kumokontra; nananatiling malaya ang oposisyon at pa-simple pang nangangampanya kahit hindi pa panahon ng kampanya; at higit sa lahat, puwedeng dalawin ng mga kamag-anak ang dinampot ng mga sundalo’t pulis.
Kakaiba ang “1959” dahil puwede ka pang sumigaw ng Gloria Resign!
BANDERA Editorial, 120709
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.