‘Deadma Walking’ hindi dapat dedmahin sa Pasko; kabaklaan ni Edgar Allan pang-best actor
GRABE! As in grabe pala talaga ang MMFF 2017 entry na “Deadma Walking” na pinagbibidahan nina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman.
Isa kami sa mga maswerteng naimbitahan sa celebrity/press screening ng “Deadma Walking” recently na ginanap sa Trinoma Cinema. At in fairness, sulit na sulit ang effort namin sa pagpunta sa event dahil napakaganda pala talaga ng pelikula.
Totoo ang sinabi sa amin nina Joross at EA na wala kang gagawin habang pinapanood mo ang pelikula kundi tumawa nang tumawa dahil sa kabaklaan, kalokahan at kadramahan ng mga pangunahing karakter sa kuwento na sina Mark at John. Pero sa bandang ending ay paiiyakin ka naman nang bonggang-bongga.
Hindi ito basta gay movie na ang tanging objective ay magpatawa at magsabog ng kabadingan — may lalim at may sense ang “Deadma Walking” na kahit nga mga straight na lalaki ay makaka-relate lalo na sa karakter na ginagampanan ni Gerald Anderson, ang greatest love ni John (Joross) at ni Vin Abrenica, ang love interest naman ni EA sa kuwento.
Mula simula ng pelikula hanggang sa ending ay siguradong tatatak sa mga manonood, lalo na ang nakakabilib na friendship nina John at Mark na nagpapatunay na meron talagang “forever” sa mundo.
Pero ang talagang highlight ng pelikula ay ang pekeng burol ni John na tinaningan na ang buhay dahil sa cancer. Kasabwat ang BFF na si Mark, isinagawa ang fake death at fake burol ni John para marinig niya ang mga mensahe ng kanyang mga kapamilya at mga kaibigan.
Nakakaloka ang sumunod na mga eksena, dito na talaga maraming “nabaliw” na manonood, imagine habang tumatawa ka ay tumutulo rin ang luha mo, lalo na sa eksena nina Joross at Dimples Romana na gumaganap namang kapatid ni John na matagal nang may alitan.
Kahit maikli lang ang ganap ni Dimples ay markado naman ang kanyang role. Maraming umiyak sa eksena nila ni Joross kung saan humihingi siya ng tawad sa kapatid dahil sa mga nagawa niyang pagkukulang bilang ate.
Pero ang nais naming bigyan ng mas malakas na palakpak ay si EA. Grabe siya! Talagang pinatunayan niya na kayang-kaya niyang gampanan ang kahit anong role.
Waging-wagi ang confrontation scene nila ni Joross nang magkabukingan na ng mga sikreto. Panalo ang eksenang minura niya ng pagkalutung-lutong si Joross sabay walkout. Idagdag pa ang mala-“Dream Girls” (ni Beyonce) na production numbers niya na pinalakpakan din ng audience.
Ilang beses nang gumanap na beki si EA sa pelikula pero para sa amin ito na ang pinakabongga sa lahat. Hindi na kami magtataka kung siya ang tanghaling Best Actor ng festival this year dahil sa ipinamalas niyang galing sa “Deadma Walking”.
Bukod kina Gerald Anderson at Vin Abrenica, marami pang celebrities ang pumayag na umapir sa pelikula nina EA at Joross, tulad nina Piolo Pascual, Iza Calzado, Eugene Domingo, Candy Pangilinan, Ricci Chan, Jojit Lorenzo, Nicco Antonio, Ruby Ruiz, Bing Pimentel, Angelu de Leon at Bobby Andrews.
Ang “Deadma Walking” ay sa direksyon ni Julius Alfonso, produced by T-Rex Entertainment. Showing na ito sa Dec. 25 nationwide.
Rated PG ito sa MTRCB at Graded A sa Cinema Evaluation Board. At sa mga hindi pa nakakaalam, nanalo rin ang “Deadma Walking” ng 2nd Prize sa Screenplay division ng 2016 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Super agree rin kami sa desisyon ng CEB na bigyan ng Grade A ang movie kasabay ng pagpuri sa direktor nito: “Director Julius Alfonso has an auspicious debut film in ‘Deadma Walking’ which is brilliantly visualized and combines humor, drama, and camp to come up with the right mix seldom seen in the yearend festival.”
***
Gustung-gusto namin ang sinabi ni Dimples Romana nang makachika namin siya sa huling presscon ng “Deadma Walking” kung bakit hindi dapat deadmahin ang entry nila sa MMFF.
“I’m so inspired after namin mapanood ‘yung pelikula kasi nasa panahon tayo na napakabilis ng buhay, marami tayong kakilala na in their 40s, 30s na pumapanaw na. Sana ito nga yung panahon para sabihin natin ‘yung mga hindi natin nasasabi.
“Gusto kong i-share yung part why hindi dapat deadmahin ang ’Deadma Walking’ this Christmas. Ito yung pelikulang sobrang daming pabaon sa ‘yo. ‘Yung paglabas mo ng sinehan ang dami mong binaon, ang dami mong dinaanan. ‘Yung kung may problema ka makakalimutan mo kasi iisipin mo merong mas namomroblema pa kesa sa iyo,” ani Dimples.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.