Bangkay ng batang babaeng nabakunahan ng Dengvaxia sinusuri na ng mga forensic expert
SINIMULAN na ng isang grupo ng mga forensic expert ang pagsusuri sa bangkay ng isang bata na pinaniniwalaang namatay sa severe dengue tatlong buwan matapos siyang mabakunahan ng Dengvaxia vaccine.
Pinangunahan ng Dr. Erwin Erfe, forensic expert at director ng Public Attorneys’ Office (PAO) Forensic Laboratory ang eksaminasyon sa katawan ng 10-anyos na si Anjielica Pestilos, na namatay noong Disyembre 15, 2017. Nakatanggap lamang siya ng Dengvaxia vaccine noong Setyembre.
Pinayagan ng mga magulang ni Anjielica na si Ramil at Liza, ang paghuhukay sa bangkay ng kanilang anak para madetermina ang totong dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nakalagay sa kanyang death certificate na siya ay namatay sa systemic lupus erythematosus o auto immune disease.
Ngunit base sa clinical abstract, sinabi ni Dr. Erfe na may manipestasyon na namatay si Anjielica sa severe hemorrhagic dengue.
Pinayagan ng Quezon City Health Department at ng Regional Office of the Department of Health (DOH) na mahukay ang bangkay ni Anjielica.
Nakipagkita na ang kanyang mga magulang, kasama ng mga magulang ng 10-anyos na si 10 year old Christine De Guzman kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre noong isang linggo.
Namatay si Christine noong Oktubre noong isang taon matapos mabakunahan ng Dengvaxia noong Abril 2016. Nakalagay sa kanyang death certificate na namatay siya sa severe dengue.
Nagsasagawa na ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kontrobersiya kaugnay ng Dengvaxia. Inquirer.net
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.