Ravena, Fonacier binuhat ang NLEX Road Warriors
KINUMPLETO ni Larry Fonacier ang bihirang mangyari na four-point play habang pinatunayan ni Kiefer Ravena ang halaga sa pagiging No. 2 overall pick sa pagsalba sa NLEX Road Warriors sa maigting na panalo kontra pakitang gilas na Kia Picanto, 119-115, para makisalo sa liderato ng 2017-18 PBA Philippine Cup na ginanap sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Kinailangan muna ng Road Warriors na maghabol sa kabuuan ng laro kung saan agad itong napag-iwanan ng Picanto na umiskor sa kauna-unahang pagkakataon ng 40 puntos sa unang yugto bago nito nagawang agawin ang panalo sa krusyal na ikaapat na yugto.
Inihulog ng beterano at multi-awarded na si Fonacier mula sa pasa ni JR Quinahan ang isang tres na nakahugot ng foul bago kinumpleto sa pagpasok sa bonus shot para sa four-point play na nagtulak sa Road Warriors para sa 117-113 abante sa huling minuto ng laban.
Naghabol din ang NLEX sa pinakamataas na 13 puntos na pagkakaiwan bago na lamang sinandigan ang rookie nito na si Ravena na nagtala ng 18 puntos, 12 assist, pitong rebound at dalawang steal upang agad ipadama ang kanyang pagkabihasa sa una pa lamang nitong laro bilang propesyonal.
“We’ll take this win, no matter how hard it was. We’re trying to build chemistry,” sabi ni NLEX coach Yeng Guiao. “It was exactly what we expected: a hard-fought game.”
Tumulong din si Kevin Alas sa opensiba ng NLEX sa kinolekta nito na 14 puntos, limang rebound at dalawang assist habang ang isa pang rookie na si Michael Miranda ay nag-ambag ng 14 puntos at dalawang rebound.
Walong Road Warriors ang nagtala ng double-figures na pinakamarami sa kasaysayan ng koponan.
Ang iskor:
NLEX (119) – Ravena 18, Miranda 14, Alas 14, Mallari 13, Fonacier 12, Al-Hussaini 12, Quiñahan 12, Tiongson 11, Baguio 5, Soyud 4, Ighalo 4, Taulava 0
KIA (115) – Camson 24, McCarthy 14, Corpuz 13, Reyes 12, Galanza 12, Celda 9, Ababou 9, Khobuntin 8, Paniamogan 7, Tubid 4, Yee 3, Caperal 0
Quarterscores: 36-40, 64-68, 90-92, 119-115.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.