Navy chief sinibak | Bandera

Navy chief sinibak

John Roson - December 19, 2017 - 04:51 PM
Tinanggal si Vice Adm. Ronald Joseph Mercado bilang flag officer-in-command (FOIC), o hepe, ng Navy nitong Martes at itinalaga sa isang puwesto sa tanggapan ng Armed Forces chief, ayon sa militar. Pinalitan si Mercado ni Rear Adm. Robert Empedrad, ang AFP deputy chief of staff for retirees and reservists affairs, bilang acting FOIC, sabi ni Navy spokesman Capt. Lued Lincuna. “On the reason of his [Mercado] relief, I am not privy with the decisions and/or other issues at hand, hence I could not give you a definite answer. I defer your questions to higher authorities,” sabi ni Lincuna sa isang kalatas. Ipinatupad lang ni AFP chief Gen. Rey Leonardo Guerrero ang “instructions from higher authorities” na italaga si Mercado sa “special duties” sa kanyang tanggapan at iluklok si Empedrad bilang acting FOIC, sabi ni Marine Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP. “The reason for this change of command will be explained in due time,” sabi pa ni Arevalo. Napag-alaman ng mga officer, kabilang na yaong mga naglalayag sakay ng barko, ang pag-relieve kay Mercado noon pang Lunes ng gabi, bagamat nito lang Martes ginawa ang “closed-door turnover ceremony,” ayon sa isang Navy official. “Bulaga pa kami lahat dito sa area. Bago na daw ang FOIC,” sabi ng opisyal sa Bandera, Lunes ng gabi. Una pang nalaman ng mga opisyal ng Army na nakatalaga sa Camp Aguinaldo ang balita, aniya pa. Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-relieve kay Mercado matapos itong iutos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, sabi naman ng isa pang opisyal sa mga reporter, Martes. Nag-ugat ang relief sa pagtatalo kamakailan lang nina Mercado at Empedrad, tungkol sa combat management system (CMS) para sa biniling P16-bilyon frigate ng Navy, anang opisyal, na tumangging magpalathala ng pangalan. Inakusahan ni Empedrad, na noo’y commander ng patrol force, si Mercado — na noon nama’y pinaimbestigahan ang una para sa ibang isyu — ng pagpabor sa isang French company para sa CMS, ayon sa opisyal. Nang matalaga si Empedrad sa kanyang puwesto sa Camp Aguinaldo, nakarating umano kay Lorenzana ang isyu sa pamamagitan ng isang “classmate” ng una na isang assistant secretary sa DND, sabi pa ng source. “Hindi natin masabi kung sino ang tama o mali, but everything is on paper… Ang ano lang dun, unceremoniously natapos ang career ni [Mercado], kawawa naman. Sa mind ng Navy na-establish na walang kasalanan si [Mercado], pero sa mind ng mga tao sa DND may kasalanan.” Plano umano ngayon ni Mercado na magretiro nang mas maaga kaysa sa pagsapit niya sa mandatory retirement age sa Marso. Tiniyak naman ni Lincuna na sa kabila ng wala pa sa oras na pagpapalit ng hepe’y susuportahan ng Navy ang bago nitong pinuno. “As a professional organization, we will support the newly-installed acting FOIC, PN. Going forward, the Philippine Navy must and will continue to perform our constitutional mandate as the protector of the people and the state,” aniya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending