MARAMI ang nagtatanong sa Kamara, saan daw ba pupuwesto ang mga militanteng kongresista?
Alam naman natin, ang Makabayan bloc (Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, ACT) ay magiting na kritiko ng Aquino administration.
Ang Kamara ay inaasahang pamumunuan ng Liberal Party na pinamumunuan ni Aquino. Kung pupunta sila sa administration bloc, parang kumampi na rin sila kay Aquino.
Kung sa minority bloc naman sila pupunta, baka may problema rin. Mukhang kasing pamumunuan ito ng Lakas-Christian Muslim Democrats, na kaalyado naman ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo, na tinutuligsa rin nila.
Saan kaya sila pupunta? Sa grupo ni PNoy o sa grupo ni GMA.
MUKHANG hindi bumenta ang press release ng partylist group na Liquefied Petroleum Gas Marketers Association nitong mga nagdaang linggo.
Ayon sa press release ni Rep. Arnel Ty, magtataas ang presyo ng pagkain, produktong petrolyo at iba pang produkto na isinasakay sa trak.
Meron kasing polisiyang ipinatutupad ngayon ang Department of Public Works na nagbabawas sa bigat ng kargamentong dala ng trak. Marahil dahil ang mga overloaded na mga sasakyan ang numero
unong sumisira sa mga kalsada.
Sabi ni Ty sa PR na
ipinadala niya sa mga mamamahayag, consumer ang talo sa ginagawa ng DPWH kapag nagmahal ang presyo ng mga produkto. Totoo naman ito.
Bakit? Madadagdagan kasi ang gastos ng mga negosyante sa transportasyon kaya itataas din nila ang presyo. Kasamang magagastusan ang mga negosyante ng LPG katulad ni Ty.
Mula sa 55,000 hanggang 60,000 kilos na gross vehicle weight ng pinakamalaking 22-wheeler truck-trailer na may kargamento, ang papayagan na lamang ng DPWH ay 45,000 kilo.
Sir, ‘yung mga ganitong trak siguro eh hindi na sariwang pagkain ang dala. Yung mga trak na naghahatid ng gulay sa palengke araw-araw ay hindi naman siguro aabot ng ganito kalaki.
Umaangal kayo marahil, sabi nga ng PR nyo, eh yung apat na biyahe ng trak ay magiging lima. Dagdag gastos talaga sa mga negosyante ng LPG.
Kung talagang ayaw n’yong dumagdag sa problema ng maralitang Pinoy, pwede namang isakripisyo n’yo ng konti ang kita n’yo at huwag nang patungan ang presyo ng LPG dahil sa dagdag na transportation cost.
Kapag nasisira naman ang kalsada dahil sa mabibigat na trak, hindi lamang naman ang mga sasakyang pang negosyo ang nahihirapan. Pati ‘yung mga motoristang maliliit ang sasakyan naaapektuhan din.
Marami rin ang natatakot sa mga overloaded na trak lalo ‘yung may mga kargamento na parang mahuhulog na, o kaya naman ay parang tatagilid ‘yung trak kapag lumiliko dahil sa bigat ng dala.
Sa pagpapakumpuni ng kalsada, hindi lang naman ‘yung mga may-ari ng trak ang nagbabayad sa pagawa. Sinisingil din ito hanggang sa pinakamaliit na Juan dela Cruz.
Kung sa mga expressway naman, kasama sa ginagastos sa pagkukumpuni ang sinisingil sa iba pang motorist, hindi lang ‘yung mga trak ang pinagbabayad kahit na sila ‘yung sinisisi sa mabilis na pagkasira ng kalsada.
Editor: May komento o reaskyon? I-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.