MAHIGIT isang taon na nang italaga ni Pangulong Duterte si Undersecretary Joel Egco bilang pinuno ng Presidential Task Force for Media Security pero hanggang sa ngayon nananatili pa rin ang bansa sa mga pinakamaraming kaso ng mga pagpatay sa mga miyembro ng media.
Base nga sa pinakahuling report ng New York-based watchdog Committee to Protect Journalists (CPJ), panglima pa rin ang Pilipinas sa 2017 Global Impunity Index.
Sa report ng CPJ na “Getting Away with Murder” na isinapubliko nitong Nobyembre 2, sinabi nito na bagamat binuo ng Pangulo ang Task Force para imbestigahan ang mga pagpatay ng mga miyembro ng media, nabigo ito na papanagutin ang mga tao na responsable sa mga ginagawang karahasan laban sa mga mamamahayag sa Pilipinas.
Idinagdag pa ng CPJ na sa kabila ng mahigit isang taon pagkatapos itong buuin, nabigo ang Task Force na tiyakin na mapanagot ang mga suspek, kabilang na ang mga opisyal ng gobyerno.
“The commission has announced investigations into several murders but no convictions have been achieved,” sabi pa ng CPJ.
Layunin ng report ng CPJ na ipunto ang nakakadismayang katotohanan sa mga bansa kung saan hindi nabibigyan ng pansin ang mga karahasan laban sa mga miyembro ng media.
Nararapat lamang na sibakin ni Digong si Usec Egco dahil wala itong silbi bilang pinuno ng Presidential Task Force on Media Security.
Buhat nang ito ay itayo, meron bang isinagawa man lang na seminar ang PTFoMS para makatulong sa mga reporter na sumasabak sa mga delikadong assisgnment?
Sa kasalukuyan, ang NUJP lamang ang nagbibigay ng seminar para makatulong sa mga journalist.
Sayang ang perang inilalaan ng gobyerno para sa PTFoMS gayong hindi naman ito nakakatulong sa mga mainstream media.
Base rin sa mga datos, limang mamamahayag na ang napapatay simula ng itayo ang PTFoMS.
Ang pinakamasaklap, kaliwa’t kanan ang ginagawang panghaharass ng mga blogger sa maintream media pero naringgan ba natin si Egco na batikusin ito?
Sa katunayan, tila ang nirereprenta lamang ni Egco ay ang iilang maiingay na blogger kagaya nang humarap sila sa pagdinig ng Senado na kung saan nagsilbi pa siyang tagapagtanggol ng mga ito.
Hindi kaya mali ang posisyon na ibinigay ni Pangulong Duterte kay Egco?
Imbes kasi ang mainstream media ang kampihan ni Egco, tinotolerate pa niya ang pambubully ng mga blogger dahil sa nakakakabinging katahimikan niya sa napakarami nang reporter na naging biktima ng pagkuyog ng mga blogger.
Dapat pa bang isa-isahin ang mga miyembro ng media na hinarass ng mga blogger at dedma naman ang opisina ni Egco?
Mr. Egco pera pa rin ng mga ordinaryong tao ang ginagamit para sa opisina mo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.