SA Nobyembre 25 ay nakatakda ang pag-iisang dibdib nina Atty. Michael Ferdinand Marcos Manotoc at Carina Amelia Manglapus sa San Agustin Church sa Paoay, Ilocos Norte.
Tinitiyak na magiging isang malaking pagdiriwang ang kasal ng magkasintahan na mula sa pinakatanyag na mga pamilya sa Pilipinas, ang mga Marcos at Manglapus.
Magkaiba man ang paninindigan ng kanilang mga ninuno —ang lolo ni Carina na si dating Senador at Foreign Affairs Secretary Raul Manglapus ay na-exile noong panahon ng administrasyon ng lolo ni Michael na si dating Pangulong Ferdinand Marcos—hindi ito naging hadlang sa kanilang pag-iibigan.
“Love trumps politics,” ika nga ng mga sumusubaybay sa pag-iibigan ng dalawa na mula sa magkalabang angkan.
Sa katanuyan ay nagbunga na ito ng isang supling, si Amelia Margarita “Mia” Manglapus Manotoc.
Inaasahang magiging maningning ang kasal ng abogado at ng mang-aawit/mamamahayag dahil sa mga prominenteng personalidad sa larangan ng politika at pagnenegosyo na dadalo, pero may iba pa itong aspeto —ang pagtulong sa kapwa.
Ayon sa ina ni Michael na si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, ang lahat ng malilikom sa gaganaping patupak ay ibibigay para sa rehabilitasyon ng Marawi City, na dinurog ng limang-buwan na sagupaan sa pagitan ng militar at ng teroristang Maute Group.
Ang patupak ay isang tradisyong Iloko kung saan magbibigay ng donasyon ang mga bisita sa bagong kasal na gagamitin nila sa pagsisimula ng kanilang pamumuhay.
Ganito isinasagawa ang patupak: Maglalagay ng bote ng basi, alak mula sa tubo, at bugnay, alak mula sa bunga, sa mesa kasama ang basong iinuman. Habang iniinom ang alak ay maglalagay ng pera sa plato ang mga ninong at ninang, kamag-anak at kaibigan. Kailangang buo o walang butal ang malilikom na pera upang maging tahimik at masaya ang pagsasama ng mag-asawa.
“Cash is meant to be the starting finances of the newlyweds but they will be giving all money collected towards Marawi rehabilitation,” ani Imee. “Talagang labs nila ang isa’t- isa. Alam kong magiging matagumpay ang kanilang pagsasama.”
Dahil tradisyunal na Ilocano ang kasal, magkakaroon din ng tinatawag na “binatbatan” kung saan bibig-yang pugay ang proseso ng paghahabi ng inabel, isa sa mga kinagisnan ng bayan.
Ilan pa sa tradisyon na bahagi ng seremonya ay ang “panagmano” o ang pagbibigay ng regalo ng mga ninong at ninang, at ang “pabitor: o ang sayaw ng bagong kasal. Matutunghayan din ang “tadek,” ang sayaw ng mga magsing-irog ng mga Tingguian, Apayao, at Itneg.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.