Clique 5 handa nang sumabak sa kantahan, sayawan at aktingan
IN FAIRNESS, may promise at siguradong may future sa music industry ang bagong all-male group na Clique 5 na pormal nang ipinakilala sa publiko nitong weekend.
Desidido ang 3:16 Events & Management Company na pasikatin at bigyan ng puwang sa industriya ng entertainment ang limang young, fresh and talented members ng Clique 5.
Ito’y binubuo nina Marco, Karl, Sean, Clay at Josh na may kanya-kanyang katangian at personalidad na angat sa iba. Bukod sa kanilang ta-lento sa pagkanta, may ibubuga rin sila sa pagsasayaw.
Sa katunayan, bago sila ipakilala isa-isa sa ginanap na presscon last Saturday, nagpasampol muna ang grupo ng kanilang galing sa paghataw at pagkanta na talaga namang pinalakpalan ng audience.
Kinanta rin nila ang kauna-unahan nilang Christmas single, ang “Tuwing Pasko” na nilikha ng award-winning songwriter na si Joven Tan. Mapuso ang nasabing kanta at siguradong maraming makaka-relate sa tema nito ngayong malapit na ang Pasko.
Ni-launch na ito last Nov. 18 in digital format.
Kasama rin sa mga kantang ginawa ni Joven para sa Clique 5 ang hugot song na “Bakit Hindi?” at ang upbeat track na “Pwede Ba, Teka Muna” na ang lakas maka-LSS (last song syndrome).
Bago sumalang sa recording, hinasa munang mabuti ang grupo sa pamamagitan ng acting workshop sa PETA, tuloy-tuloy din ang kanilang voice lesson at personality development training.
“Ayaw namin na half-baked o hilaw ang Clique 5 kapag isinalang na namin. Gusto namin prepared sila at ready na talaga sa mundong papasukin nila,” sabi ni Kathy, ang isa sa mga namamahala ng 3:16 Events & Management.
Nang tanungin kung ano ang pagkakaiba ng mga bago nilang alaga sa ibang boy group sa showbiz, sagot ng isa pang taga-3:16 na si Len, “The group is a total package. Pwede silang kumanta, sumayaw at umarte. Hindi limited ang kanilang talento kahit saan pwede silang isalang.”
Apat sa mga miyembro ng Clique 5 (Josh, Karl, Sean at Marco) ay produkto ng artista search na Circle of 10 na naglunsad din sa showbiz career nina Jennylyn Mercado, Jason Abalos, Dion Ignacio at marami pang iba.
Nilinaw naman ng mga namamahala sa career ng limang bagets, kahit na isang grupo sila, maaari ring magsolo ang bawat isa tulad sa serye o pelikula, commercial endorsements o modelling assignments.
Pagkatapos ng presscon sa Circle Events Place sa Timog, Q.C., ginanap naman ang meet and greet ng grupo para sa kanilang mga fans and supporters kung saan game na game silang nakipag-bonding at nakipag-picture taking.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.