San Beda Red Lions nasakmal ang ika-21 NCAA title
TULUYANG inuwi ng San Beda Red Lions ang ikalawa nitong sunod na korona at ikasampu sa nakalipas na 12 season matapos nitong walisin ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 92-82, sa Game Two ng NCAA Season 93 men’s basketball best-of-three Finals Huwebes sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Umahon ang Red Lions mula sa 73-76 pagkakaiwan sa ikaapat na yugto sa paghulog ng 7-0 bomba para agawin ang 80-76 abante na tuluyang sinandigan nito tungo sa pagsungkit sa pangkalahatang ika-21 korona sa pinakamatandang liga sa bansa.
Nagtulong sina Robert Bolick, AC Soberano at Donald Tankoua sa unang atake ng Red Lions bago tuluyang ibinagsak ang 11-5 bomba sa huling tatlong minuto ng laro upang muling simulan ang inaasam nito na paghahangad na mapantayan ang dati nitong itinalang limang sunod at posibleng rekord na ikaanim.
Huling lumapit ang Pirates, na dinomina ang tatlong yugto, sa 79-80 mula sa dalawang free throw ni Jeffrey Santos at three-point play ni Harry Nzeusseu sa huling 1:41 ng laro sa 82-83 bago na lamang ang 19-3 run ng Red Lions sa pagtatapos ng ikaapat na yugto upang tumapos lamang sa ikalawang puwesto.
Unang inihulog ni Soberano ang isang tres na sinundan ni Bolick para sa 89-82 bago na lamang ang mga free throw ni Tankoua na tinanghal na Finals MVP sa kanyang itinala na averages na 22.0 puntos at 18.5 rebounds.
Tinanghal naman na Coach of the Year si Boyet Fernandez na napanatili ang kanyang malinis na rekord na hindi pa nabibigo sa laban sa kampeonato sa kabuuang anim sa kanyang pagbabalik para muling giyahan ang San Beda.
“Medyo tense sila kasi they want to win this game. Our defense really worked today,” sabi ni Fernandez.
“Kung puwede lang po dalawa ang champion, ibibigay namin din sa kanila ang titulo. Pero nagpapasalamat kami sa kanila dahil very well deserve namin itong championship na ito dahil talagang inilabas namin ang husay dito,” sabi ni Bolick na nagtala ng 18 puntos, anim na rebound at anim na assist.
Tumulong si Tankoua na may 17 puntos, 17 rebound at 5 assist, isang steal at dalawang block habang si Davon Potts ay nag-ambag ng 15, si Javee Mocon ay may 14 puntos at si Soberano ay nagdagdag ng 11 puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.