GAGANDA na nga kaya ang serbisyo ng Metro Rail Transit 3?
Mayroong sumilip na pag-asa para sa ilang pasahero nang mabalitaan na tuluyan ng kinansela ng Department of Transportation ang MRT maintenance contract ng Busan Universal Rail Inc.
Para sa kanila ang pagbabago ay nangangahulugan ng pag-asa na maayos ang serbisyo ng MRT.
Ibang-iba na naman kasi talaga ngayon ang MRT kumpara noon.
Nang buksan ito sa publiko ay halos walang sumasakay— walang pila at hindi siksikan. Mas mataas kasi noon ang pamasahe sa MRT kesa sa mga bus na bumibiyahe sa Edsa. Para sa mga nagtitipid na manggagawa mahalaga ang bawat pisong maisasalba.
Unti-unting dumami ang pasahero ng MRT nang ibaba ng gobyerno ang pamasahe rito.
Halos pumantay ang pasahe sa mga bus. Natutuhan ng mga pasahero ang tamang diskarte sa pagsakay.
At mas willing sila na umakyat ng hagdan kaysa maghintay ng bus sa gilid ng Edsa.
Nang magtaas ng pasahe ang mga bus, mas lalong dumami ang sumasakay ng MRT. Ganun din naman ang pamasahe, wala pang trapik.
At sa pagdami ng sumasakay sa MRT, nagsimula nang mapuno ang mga tren at humaba ang pila sa mga bilihan ng ticket at papasok sa loob ng istasyon.
Kahit na noong magtaas ng pasahe sa MRT ang nakaraang administrasyon ay marami pa rin ang sumasakay.
Masama ba na dumami ang pasahero? Hindi. Kaya nga mass transport ang tawag sa kanila, sinasakyan ng madlang people.
Kaya lang, gaya ng ibang proyekto ng gobyerno ay napabayaan sa paglipas ng panahon kaya ayan, nagkahetot-hetot na ang serbisyo.
Alam naman siguro ng mga nagpapatakbo ang mga problemang darating pero hindi nila inagapan.
Pinabayaan lang kaya ayan, nagpatong-patong na. Alam mo naman tayong mga Pinoy, madalas ay “pwede pa ‘yan.”
Ngayong kinansela na ang kontrata ng BURI (na inaasahang gagamitin ang legal na paraan para makakolekta pa sa gobyerno dahil hanggang 2019 pa ang kanilang kontrata), sana ay hindi na muling magkamali ang DoTr sa kanilang mga pipiliing hakbang.
Habang wala pang napipiling bagong maintenance contractor ay gobyerno muna ang magpapatakbo.
Naku! baka lalong ma-letche ang serbisyo ng MRT ha. Kaya nga ipinapasa nila sa pribadong kompanya ang mga ganitong bagay dahil wala silang kapasidad na gawin ng tama.
Sana ay tamang desisyon na ang magawa ng mga opisyal ng DoTr kahit na hindi naman sila ang nahihirapan sa pagsakay sa MRT araw-araw.
Kung papalpak sa kanilang desisyon, e sarili na nila ang kanilang sisihin at magsipag-alis na sila sa puwesto.
Naalala ko tuloy ang mga pahayag na binitiwan bago ang 2016 elections. Pag pinakinggan mo sila ay parang nakapadating solusyunan ng mga problema.
Kaya mapapatanong ka noon, bakit nga ba pinabayaan ng aalis na administrasyon na magkaganito.
Ngayon na sila na ang nakaupo, ang sinasabi naman nila ay hindi ganun kadali solusyunan ang problema, na sinasabi rin ng kanilang pinalitan.
Nasaan na nga ba ang ipinangakong pagbabago?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.