Adamson Soaring Falcons umusad sa Final Four
Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. FEU vs NU
4 p.m. Ateneo vs UP
Team Standings: *Ateneo (12-0); *La Salle (11-2); *Adamson (9-4); FEU (6-6); UP (5-7); NU (4-8); UE (3-10); UST (0-13)
* – semifinalist
SINANDIGAN ng Adamson University Soaring Falcons si Papi Sarr na nagtala ng 25 puntos at 17 rebounds habang pinosasan nito ang mga inaasahan ng University of the Philippines Fighting Maroons tungo sa paghugot ng importanteng 86-70 panalo sa UAAP Season 80 men’s basketball Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Umarangkada ang Falcons sa ikatlong yugto matapos itala ang 39-31 abante sa pagtatapos ng first half tungo sa pagtala ng 23 puntos na abante, 58-35, bago pinigilan ang paghahabol ng Fighting Maroons sa huling yugto tungo sa pagkapit sa ikatlong puwesto at pag-usad sa Final Four.
Nagawang lumapit ng Fighting Maroons sa walong puntos na lamang tampok ang isang tres at dalawang free throws mula kay Paul Desiderio sa 66-74, may limang minuto pa sa laro.
Gayunman, hindi na pinaiskor ng Falcons sa loob ng apat na minuto ang Maroons kung saan inihulog nito ang 12-0 bomba upang itala ang 86-66 abante at tuluyang angkinin ang ikasiyam na panalo kontra apat na talo.
Tanging nakaiskor ang Maroons sa natitirang 22 segundo ng laro mula sa dalawang free throw ni Janjan Jaboneta.
Bunga ng kabiguan, nahulog sa ikalimang puwesto ang UP sa 5-7 record at puwersado na ipanalo ang natitira nitong mga laro para makahirit ng playoff para sa huling puwesto sa Final Four kontra sa nasa ikaapat na puwestong Far Eastern University Tamaraws.
Samantala, umalagwa sa ikaapat na yugto ang FEU upang tuluyang patalsikin ang University of the East Red Warriors sa labanan para sa semifinals sa pagtakas sa 79-63 panalo sa unang laro.
Isinelebra ni Arvin Tolentino ang kanyang kaarawan katulong sina Prince Orizu at Jasper Parker sa pamumuno sa 21-8 atake sa unang minuto ng ikaapat na yugto upang iwanan ang Red Warriors na lumaban hanggang sa ikatlong yugto na nagtapos sa iskor na 49-all bago na lamang gumuho sa huling yugto.
Naisagawa ni Tolentino ang mahirap mangyari na four-point play para ibigay sa Tamaraws ang una nitong pagkapit sa abante, 70-57, may 3:27 sa laro bago tinapos ni Parker ang trabaho sa paghulog ng dalawang tres na ang pinakahuli ang pagbibigay sa Tamaraws ng 79-62 abante.
Dahil sa panalo ay nanatiling hawak ng Tamaraws ang pinag-aagawang ikaapat na puwesto sa 6-6 record.
Nahulog naman ang Red Warriors sa 3-10 kartada at nagpaalam na sa torneo kahit may natitira pa na isang laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.