Radio exec patay, 3 pa sugatan sa aksidente
John Roson - Bandera November 03, 2017 - 03:11 PM
Nasawi ang operations manager ng isang istasyon ng radyo sa Oriental Mindoro habang tatlo pa katao ang nasugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng dalawang motorsiklo sa bayan ng Gloria, Huwebes ng gabi.
Dinala pa sa ospital si Jose Nocum Pascua, operations manager ng istasyon ng dwMK Radyo Natin sa Pinamalayan, ngunit binawian ng buhay Biyernes ng umaga, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Sugatan naman ang driver ng ikalawang motorsiklo na si Edmar Noay, 22, at mga angkas niyang sina Noel Acosta, 25, at John Christian Capitin, 13.
Naganap ang aksidente dakong alas-9:45 ng gabi, sa bahagi ng Strong Republic National Highway na sakop ng Brgy. Maligaya.
Lumiliko ang motor nina Noay pakaliwa nang masagi ng motor ni Pascua, na noo’y mabilis ang takbo, ani Tolentino, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa Gloria Police.
Bumagsak sa gitna ng kalsada ang motor na sinakyan nila Noay, habang ang motor ni Pascua ay dumulas at naipit sa ilalim ng isang nakaparadang trak, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending