Coco niregaluhan ng alahas si Apo Whang Od; nakakuha ng tip para humaba rin ang buhay
NI-LAUNCH na “Ang Panday” mobile game application na dinebelop ng Synergy88 at Co-Syn Mediatech nitong Sabado sa SMX Convention Center.
Ayon sa mga taga-Synergy si Coco Martin mismo ang nagsilbing Creative Director ng nasabing game version ng nasabing pelikula isa sa mga official entry sa Metro Manila Film Festival 2017.
Kuwento ni Coco, “Nagsimula po ang ideyang ito habang ginagawa ko ‘yung Panday, naghahanap po ako ng magaling gumawa ng a-nimation and then sinabi po nila (Synergy), mayroon magaling gumawa ng games baka gusto mong tingnan.
“Tapos nu’ng ipinakita po nila sa akin, sabi ko, ‘ang galing ah, kaya na pala ng Pinoy ito, kasi hindi naman ako ganu’n ka-updated sa sobrang busy ko kaya hindi ko alam na ang galing na pala gumawa ng Pinoy. Sabi ko, kaya pala nating magkuwento through games at animation.
“Habang nagmi-meeting kami, nagbibigay ako ng mga ideas tungkol sa takbo ng kuwento ng Panday tapos in-offer nila ako na, ‘what if mag-collaboration tayo, mag-isip ka ng konsepto mo tapos gagawin naming games.’
“Sabi ko, simulan natin sa Panday kasi ang Panday ang kauna-unahang superhero na original na nilikha ng Pinoy na talagang wala tayong pinaggayahan kaya hayun, nag-collaborate kami tapos ako nagsabi kung ano magiging role ni Panday, anong suot, sword o weapons niya, ‘yung strategy. Sabi ko, ang games habang naglalaro ka, dapat may kuwento, may sinusundan, may misyon,” ani Coco.
Madali lang i-download ang game app ng “Panday” through Google Play at puwede siyang malaro maski hindi naka-connect sa internet basta’t na-download na.
Samantala, nagkuwento ng kaunti si Coco tungkol sa “Ang Panday” na finally ay natapo na, talagang dugo’t pawis at buhay ang ibinigay ni Coco sa proyekto dahil bukod sa siya na ang bida, siya rin ang direktor, producer at creative head.
“Ayokong tipirin, dugo’t pawis talaga kasi iyong location namin talagang mahirap. Meron pa kaming cave na pinuntahan sa Biak na Bato. First time din nag-shooting du’n kasi napakahirap puntahan,” kuwento ni Coco.
Tinanong namin kung nag-over budget si direk Coco dahil umabot sa 80 stars ang kasama sa pelikula, “Hindi ako nag-over budget kasi hindi ko alam magkano ang budget. Hindi ako nag-set ng limit na hanggang dito na lang tayo,” sabi ng aktor.
Inamin ni Coco na hindi niya magagawa at mabubuo ang pelikula nang wala ang tulong nina direk Brillante Mendoza, Malu Sevilla, Val Iglesias at Lito Lapid na talagang sumuporta sa kanila.
Pagkatapos ng presscon ay tinanong namin si Coco tungkol sa pagkikita ng legendary tattooist na si Apo Whang Od. Balitang kaya pala ito pumayag na bumaba ng Maynila para sa isang exhibit festival ay sa kundisyong makita ang aktor.
“Nahiya nga ako kasi pagdating niya pagod na pagod siya kasi nga sinakay pa siya ng helicopter tapos natrapik siya dito sa Manila. Pero nakakatuwa kasi kahit paano may napasaya kaming tao na nagkita lang kayo.
“Ako naman nahihiya ako sa kanya, hindi ko alam kung paano ko siya ie-entertain, pero nu’ng medyo tumagal tagal na, ‘yun nagloloko na siya nagbibiro-biro na kaya nakakatuwa,” kuwento ni Coco.
“Nagulat nga ako kasi 100 years old na siya pero sobrang lakas niya pa. Tapos nu’ng papakainin namin siya, siyempre in-order-an namin siya baka gusto niya ng fish at saka vegetable, ang kinain lang niya rice saka water saka salt . Yun lang. Siguro ‘yung mga pagkain nila du’n healthy tapos ‘yung walang stress, lagi lang silang masaya. Sabi ko nga yun pala yung way para humaba ang buhay,” kuwento ni Coco.
Tinanong namin kung ano ang ibinigay na regalo ni Coco kay Apo Whang Od bago ito bumalik ng Kalinga, “May binigay ako sa kanyang kuwintas at hikaw. Basta binigyan ko siya ng terno, kasi di ba mahilig siya mag-lipstick?” saad ng aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.