Mga Laro Ngayon (Mall of Asia Arena)
11 a.m. San Beda vs CSB (jrs semis)
1 p.m. Mapua vs Letran (jrs semis)
3:30 p.m. San Sebastian vs JRU (srs semis)
PILIT susundan ni Michael Calisaan ang pinakamagandang laro bilang college player sa pagtatangka ng San Sebastian Stags na manatiling palaban para sa titulo sa pagsagupa sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa knockout stepladder semifinals ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Magsasagupa muna alas-11 ng umaga ang San Beda Red Cubs kontra College of St. Benilde-Zobel Greenies sa isang pares ng semifinals sa juniors bago sundan ng ala-1 ng hapon na salpukan sa pagitan ng Mapua Red Robins at Letran Squires.
Pinakahuling magsasagupa alas-3:30 ng hapon ang tampok na salpukan ng San Sebastian at JRU na pag-aagawan ang karapatan na makasagupa ang nasa ikalawang puwesto na nagtatanggol na kampeong San Beda.
Inaasahang mataas ang kumpiyansa ni Calisaan na itinala ang career high nitong 36 puntos at 10 rebounds tungo sa paghaltak sa San Sebastian sa 74-69 panalo kontra Letran Knights noong Martes na nagbalik sa Stags sa una nito na pagtuntong sa semis makalipas ang limang taon.
“Masarap pala ang pakiramdam na makapasok sa Final Four. Siyempre ako, gusto ko naman na makatikim na makapasok sa championship sa collegiate career ko. Pagbubutihan namin ang laban,” sabi ni Calisaan.
Gayunman, inaasahang nakahanda ang JRU, na magbabalik sa Final Four matapos na mapatalsik noong nakaraang taon. Nagawa rin walisin ng Heavy Bombers sa kanilang paghaharap sa eliminasyon ang Stags, 73-62, sa una at 60-58 sa ikalawa.
“I’ve been in basketball for so long that anything can happen in a playoff game. For us, we just have to be focused and ready for anything,” sabi ni JRU coach Vergel Meneses.
Umaasa rin si San Sebastian coach Egay Macaraya na hindi madali ang kanilang sunod na labanan.
“Jose Rizal is an experienced team and always a tough team to play because of their rugged defense,” sabi ni Macaraya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.