Sylvia Sanchez gustong magpakalbo; type mag-aksyon ala-Angelina Jolie
MAGKAHALONG excitement at kaba ang nararamdaman ni Sylvia Sanchez para sa pelikula niyang “Nay” na entry sa Cinema One Originals Film Festival simula Nob. 13-20, first time raw kasi niyang sasali sa isang festival.
“Maraming nag-offer na sa akin na indie films kaso hindi ko matanggap dahil sa The Greatest Love. E, alam mo naman kapag taping, hand-to-mouth talaga kami, kaya maski na gustung-gusto ko, hindi ko matanggap.
“May offer nga ako for Cinemalaya 2017, hindi ko natanggap, tapos nu’ng magtatapos na ‘yung TGL, saka ako tumanggap ng indie at ito nga yung ‘Nay’ kasama ko sina Jameson Blake at Enchong Dee na idinirek ni Kip Oebanda.
“At nagpapasalamat ako kasi pinagkatiwalaan ako ng Cinema One bilang Inay ni Enchong. Si Jameson ang bestfriend ng alaga ko.
“Hanggang sa tumanggap na rin ako ng isa pang movie sa Regal (Films) ‘yung ‘Mama’s Girl’ with Sofia Andres and Diego Loyzaga, si Connie Macatuno naman ang direktor ko.
“Tapos nagte-taping na rin ako ng teleserye with Arjo (Atayde), so bale dalawa ang lagare ko ngayon, itong Regal at itong teleserye. Natapos na ako sa ‘Nay,” balita sa amin ni Ibyang.
Ipinagmamalaki ng aktres ang pelikulang “‘Nay” dahil kakaiba naman ang kuwento nito na tungkol sa pagmamahal ng isang yaya sa kanyang alaga.
“Actually, yaya ako ni Enchong dito, pero sobrang mahal na mahal ko siya at ganu’n din siya kasi ako na ang nag-alaga sa kanya since bata pa, kulang na lang ako ang nagluwal sa kanya.
“Isa rin akong aswang dito at sa huli na lang malalaman ni Enchong kung sino ako pero hindi siya natakot kasi nga nanay niya ako. Ang ganda ng istorya, sana mapanood ito ng marami kasi maganda talaga. Ang galing ng direktor namin na bagets pa,” kuwento ni Ibyang.
Ikalawang beses nang nagsuot ng prosthetics bilang aswang ni Ibyang kaya sanay na siya maski kinakati siya. “‘Yung una, nakatanggap ako ng Best Supporting actress, ‘yung ‘Takbo Talon Tili’ (1992), mangkukulam ako ro’n, pero hindi pareho nito (prosthetics). Kasi iyon, ilong, chin ko lang, hindi tulad dito (sa ‘Nay), buong mukha ko may prosthetics.”
Nabanggit din ng aktres na wala siyang pakialam kung anong itsura niya sa harap ng kamera dahil artista siya, “Ako ‘yung klase ng artista na gagampanan ko ang role kahit distorted ang mukha ko. Pag umiiyak naman di ba, distorted ang mukha, may magandang umiyak, may pangit umiyak, ganu’n talaga.
“Artista ka, eh. Huwag mong isipin na kapag umiyak ka dapat maganda ka pa rin, hindi totoo ‘yun,” aniya pa.
Pagdating din sa buhok ay walang angal si Ibyang, kung kinakailangang ipagupit ay gagawin niya, “Kung may role nga na kailangan kong magpakalbo, gagawin ko talaga, hindi ako gagamit ng wig, magpapakalbo talaga ako, kung talagang maganda ang role.”
“Gusto ko kayang maging kalbo. Ha-hahaha! Gusto kong ma-experience, kasi ngayon walang rason, eh, bigyan n’yo ako ng role na kalbo, gagawin ko talaga,” tumatawang sabi ng aktres.
***
Sa rami na ng karakter na ginampanan ni Sylvia ay pangarap pa rin niyang gumanap bilang bulag, pipi at bingi, “Gusto ko talaga ‘yun at mahirap ‘yun at hindi ko ma-explain, pero kapag nag-action na, alam ko kaya kong gawin.
“May isa pa akong gustong gawin, babaeng hitman. Parang ‘Salt’ (2010) ni Angelina Jolie, ‘yung naka-motor, marunong naman akong mag-motor. Gusto ko ring mag-action,” seryosong sabi ng aktres.
At kapag may ganu’ng offer ay talagang kakaririn ni Ibyang ang training para physically fit siya bilang female action star.
“Kaya nga ako nagpapayat kasi gusto kong magkaroon ng project na action since uso na uli ngayon ang action films,” sabi pa.
Hindi naman daw pumasok sa isipan niya ang maging superhero, “Ewan ko, wala sa isip ko ‘yan. Mas gusto ko action at maging bulag, pipi’t bingi. Parang sniper na naka-motor. Gusto ko ‘yun.”
Paano kung kunin siyang guest sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang babaeng rebelde? “Sino ba ang tatanggi sa Probinsyano, lahat gustong lumabas doon. Oo naman talaga, gusto ko maski sa bundok pa,” say pa ng award-winning actress.
Nabanggit ding may offer sa kanya si Direk Brillante Mendoza pero hindi niya nagawang tanggapin kasi araw-araw ang taping niya noon para sa The Greatest Love at may mga out of town pa, “Nag-usap naman kami ni direk Brillante, sabi ko gusto kong tanggapin kaso hindi ko kaya kasi nga sa schedule ko. Pati si Arjo gusto niya, e, that time hindi rin kaya ni Arjo.”
Okay din daw kung may alok si Lav Diaz sa kanya, maski raw abutin ng maraming oras, “Okay din basta maganda ang role, bakit hindi. Gusto ko ring ma-experience talaga sina direk Brillante at direk Lav.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.