PWEDE na ring bigyan ng markang pasado si Chito Victolero sa kanyang unang taon bilang head coach ng Star Hotshots.
Ito ay bunga ng pangyayaring naihatid naman niya sa semifinals ang kanyang koponan sa tatlong conferences sa season na ito. Nabigo nga lang silang makaabot sa championship round.
Sa Philippine Cup semis ay natalo sila sa Barangay Ginebra at very frustating ang pagkatalong iyon.
Kasi nakalamang na sila sa serye, 2-1, subalit nabalikan sila ng Gin Kings na nagwagi sa huling dalawang laro.
Sa Commissioner’s Cup semis ay natalo sila sa San Miguel Beer. Pero maganda ang naging seryeng iyon. Dalawa sa tatlong pagkatalo ay dikit at sa dulo lang nagkatalo. Magugunita na sa isang game ay nanaig ang Beermen bunga ng last second three-point shot ni Marcio Lassiter.
Dito lang sa Governors’ Cup naging sobrang sakit dahil sa winalis sila ng Meralco, 3-0. Pero hindi naging ganoong kadali para sa tropa ni coach Norman Black. Kasi sa Game Two lang talaga naging tambakan kung saan dinurog ng Meralco ang Star, 98-74.
Ang Game One ay naidikta ng Hotshots ang tempo at nakaarangkada agad, 20-3. At sa huling apat na minuto ay angat pa ng siyam na puntos ang mga bata ni Victolero, 66-57. Pero gumuho ang lahat at nakagawa ng 15-0 explosion ang Bolts upang makabalik at mamayani, 72-66.
Sa Game Three ay nakabalik ang Hotshots sa 13 puntos na kalamangan ng Bolts at nakakamang pa, 83-79.
Pero hindi na sila nakaiskor at nakatabla ang BoIts, 83-all, para magkaroon ng overtime. At sa extra period ay apat na minutong nabokya ang Hotshots at tuluyan silang natalo, 91-88.
Ito ay kahit na hindi nakapaglaro si Paul Lee na may kapansanan sa tuhod at nawala na sa kabuuan ng season.
At ito ay sa kabila ng kapalpakan ng import na si Kristofer Acox na nakagawa lang ng apat na puntos.
Aba’y hindi nga napakinabangan si Acox sa semis. Sa Game One ay gumawa lang ito ng pitong puntos at sa Game Two ay may siyam.
So, sa semis ay 6.67 puntos kada laro lang siya.
Tuloy ay napapaisip ang mga fans kung bakit kinuha bilang kapalit ni Malcolm Hill na bagamat batambata ay mahusay na scorer. At disenteng rebounder din.
Naintindihan natin na kaya kinuha si Acox ay upang maitapat sa imports ng ibang teams in terms of rebounding. Kasi baka medyo mahina si Hill sa departamentong ito kumpara kina Allen Durham ng Meralco, Glen Rice, Jr. ng TNT KaTropa at Justin Brownlee ng defending champion Barangay Ginebra.
Pero mas mahina pala si Acox. Hindi na nga siya mahusay na rebounder, wala rin binatbat sa scoring. Hayun at naletse ang Hotshots.
Kung sino man ang nagrekomenda kay Victolero na kunin si Acox, aba’y inihagis niya sa apoy ang coach ng Star.
At any rate, good job pa rin para kay Victolero.
Marked improvement ito para sa Star na hindi nga nakapasok sa semis ng alinman sa tatlong conferences noong nakaraang taon.
So, we expect Victolero to be back next season.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.