Lyceum Pirates umangat sa 15-0 record
Mga Laro sa Martes
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Perpetual Help vs San Beda
4 p.m. St. Benilde vs JRU
Team Standings: Lyceum (15-0); San Beda (13-1); JRU (8-6); Letran (8-7); San Sebastian (7-7); EAC (6-9); Arellano (5-9); Perpetual (4-9); St. Benilde (3-11); Mapua (2-12)
NANATILING malinis ang Lyceum of the Philippines University Pirates matapos nitong iuwi ang ika-15 sunod na panalo sa pagbigo sa San Sebastian College Stags, 78-73, sa naging mahigpitan at puno ng maiinit na sitwasyon sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament Biyernes sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.
Binulabog ng Pirates na naghabol muna sa 45-46 sa huling tatlong minuto ng ikatlong yugto ang mahigpit na labanan tungo sa pagtala ng 57-48 abante na hindi na nito binitiwan hanggang sa ikaapat na yugto para lumapit sa posibleng pagwawalis nito sa lahat ng mga laro para makamit ang awtomatikong silya sa kampeonato.
Pinamunuan ni CJ Perez ang Pirates sa kinolekta na 28 puntos, 10 rebounds at apat na assists.
Nalaglag naman ang Stags sa ikalimang puwesto sa 7-7 panalo-talong karta.
Binigo naman ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang University of Perpetual Help Altas, 85-52, upang muling masolo ang ikatlong puwesto at makamit ang bentahe sa humihigpit na labanan para sa huling dalawang silya sa Final Four.
Nagtulong sina MJ dela Virgen, Cameroonian Abdel Poutouochi at Jed Mendoza para sa Heavy Bombers na ipinakita ang matinding opensiba sa kabuuan ng laro na nagtulak dito para muling okupahan ang solong ikatlong puwesto sa 8-6 panalo-talong karta.
Naputol din ng Heavy Bombers ang dalawang sunod na kabiguan habang napaangat nito ang bentahe kontra sa mga sumusunod na koponan na nag-aagawan sa huling dalawang silya sa semifinals.
Una nang inokupahan ng Lyceum at San Beda Red Lions ang unang dalawang silya na may dalawang beses tataluning insentibo sa Final Four.
Nahulog naman ang Altas sa 4-9 panalo-talong rekord.
Sa ikalawang laro ay sinandigan ng Letran Knights ang itinala ni Bong Quinto na career-high 27 puntos sa pagbigo sa Emilio Aguinaldo College Generals, 84-78, para sa paghablot nito ng ikawalong panalo sa 15 laro.
Nahulog ang Generals sa kabuuang 6-9 rekord.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.