NASAWI ang isang chief guard at 24-anyos niyang “nobya” nang pagbabarilin ng isa sa kanyang mga tauhan matapos silang mahuling nagtatalik sa loob ng isang sirang bus sa Cagayan de Oro City, kahapon ng madaling-araw.
Agad ikinasawi ni Noel Japon, may-asawa at head guard ng Mandarin Security Services, at Anafe Lara, ng Iligan City, ang mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, ayon kay Senior Supt. Graciano Mijares, direktor ng Cagayan de Oro City police.
Sumuko naman ang suspek na guwardiyang si Danilo Bustillo, 44, ng Magsaysay, Lanao del Norte, sa Cagayan de Oro City Police Station 10 matapos ang pamamaril.
Naganap ang insidente sa compound ng Samcor Bldg. sa kahabaan ng highway sa Brgy. Cugman, alas-12:45.
Nagpapatrolya si Bustillo nang mapansing may gumagalaw sa sirang bus na nasa compound kaya pinasaok niya iyon, sabi ni Senior Insp. Elmer Robas, commander ng Station 10, nang hingan ng karagdagang detalye.
“Pagpasok niya (Bustillo) nakita niya nagse-sex ‘yung head guard nila saka ‘yung babae, na hipag ng building supervisor, doon sa kutson sa loob kaya sinita niya,” sabi ni Robas sa BANDERA.
Dahil dito, kinagalitan ni Japon si Bustillo na tatayo na sana nang biglang umalingawngaw ang mga putok ng baril, ayon kay Robas.
“Aktong nagsusuot siya (Japon) ng shorts noon. Sabi nitong nakabaril (Bustillo) parang may inaabot, akala niya baril, so inunahan na niya, ayun nadamay pati ‘yung babae,” anang police official.
Natagpuan sa pinangyarihan ang walong basyo at tatlong bala ng kalibre-.38 revolver ni Bustillo.
Ayon kay Robas, hindi ito ang unang pagkakataon na ma-“engkuwentro” ni Bustillo si Japon kaya nagawang barilin ng una ang kanyang head guard.
“According dito sa security guard (Bustillo), lagi siyang (Japon) nagnanakaw ng mga gamit doon sa mga binabantayan nilang bus at pag sinisita eh ‘yung head guard pa ang nagagalit. May history din daw ito ng panunutok ng baril,” ani Robas.
Sa kabila nito, boluntaryong sumuko si Bustillo at inamin ang krimen.
“For filing na ngayon ang kaso, under custody siya (Bustillo) ngayon dito, sa Station 10,” ani Robas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.