Pinoy ‘nilamon’ na ba ng K-stars, K-drama?
HINDI lang sa mga Pinoy idols/loveteams nahahaling ang mga Pilipino, mataas din ang lagnat nila, partikular ng mga millennials, sa mga tinaguriang K-Pop o Korean Pop, K-stars o Korean stars at K-Drama o Korean Drama.
Bahagi ang K-Pop ng Hallyu o Korean Wave o ang pagtangkilik ng iba’t ibang bansa sa kultura ng South Korea.
Unang K-pop star na nakilala sa Pilipinas ay ang singer-actor na si Rain. Sumikat si Rain. Pero mas pumutok ang pangalang Psy dahil sa kanyang Gangnam Style, ang kauna-unahang video na umabot ng isang bilyong views sa You Tube.
Mula sa mga solo artists, naging trending din ang mga boy bands st girl groups gaya ng SS501, Super Junior, Big Bang, Wonder Girls, Girls’ Generation, Kara, BTS o Bangtan Sonyeondan, EXO, GOT7, Infinite, Twice, Shinee, Blackpink, at Cnblue.
Sa mga ito ay nagmarka sa mga Pinoy ang girl group na 2NE1 dahil kabilang rito ang dating ABS-CBN star na si Sandara Park.
Bakit nga ba, nahuhumaling ang maraming kabataang Pinoy sa K-pop?
Sa isang panayam, sinabi ng 19-anyos na si Dianne, ng Quezon City, na gustong-gusto niya ang Korean boy band na BIGBANG dahil sa kanilang mga kanta.
“Iba ‘yung style ng music nila at nagiging inspirasyon din ang mga kanta nila,” aniya.
Bukod sa K-Pop, tinatangkilik din ng mga Pinoy ang mga Korean stars na napapanood na hindi lamang sa mga telebisyon kundi maging sa pelikula.
Sino ba ang hindi nakakakilala kay Gong Yoo, na tumatak sa mga Pinoy dahil sa kanyang pelikulang “Train To Busan” noong 2016? Sinundan ito ngayong taon ng Koreanovela na “Goblin” na talagang inabangan din ng mga fans.
Bukod kay Gong Yoo, kabilang din sa may fandom na sa Pilipinas ay ang Korean superstar at magkaibigan na sina Song Joong Ki at Park Bo Gum.
Nakilala si Joong Ki sa kanyang pagganap bilang “Big Boss” sa “Descendants of the Sun,” kasama ang kanyang reel at real love na si Song Hye Kyo na gumaganap bilang Dr. Kang.
Nitong nakaraang mga araw, ipinalabas sa Pilipinas ang hinihintay ng mga Pinoy fans ang kanyang “The Battleship Island” kasama ang isa pang Korean superstar na si So Ji Sub na napanood sa “Master’s Sun” at “Oh My Venus.”
Dahil sa fandom ng Song-Song couple, nag-organisa pa ang Song-Song Couple Philippine Chapter ng blockscreening ng pelikula ni Joong Ki.
Samantala, may sariling fandom na rin sa Pilipinas ang Korean actor na si Park Bo Gum.
Sa katunayan, umabot na sa halos 300,000 ang mga followers at likes ng Park Bo Gum Philippines. Unang nakilala si Bo Gum sa kanyang pagganap sa “Reply 1988,” na sinundan ng kanyang biggest break na “Love in the Moonlight” na talagang inabangan ng mga adik sa soaps.
Bukod kina Gong Yoo, Joong Ki, at Bo Gum, kabilang din sa mga Korean star na marami na ring followers sa bansa ay sina Lee Min Ho, na bumida sa “The Heirs” at “Boys Over Flowers”; Ji Chang Wook, na bumida sa “Empress Ki”; Park Shin Hye (“The Heirs,” “Pinocchio,” “Doctor Crush”); Kim Soo Hyun (“My Love From The Star”); Lee Joong Suk (“I Hear Your Voice,” “Pinocchio”) at siyempre ang patuloy na sumisikat na si Nam Joo Hyuk (“Weightlifting Fairy Kim Bok Joo,” “The Bride of Habaek”).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.