NAGING isang malaking isyu kamakailan ang pag-oobliga ng mga mall sa kanilang mga babaeng manggagawa na magsuot ng high heels sa kanilang trabaho.
Tumindi ang reklamo dahil mapanganib nga naman ang pagsusuot ng sapatos na may mataas na takong sa loob ng walong oras, bukod pa sa mga kalimitan sa mga empleyadong ito ay hindi rin pinauupo.
At alam ba ninyo anong mga panganib ang naidudulot nito sa mga kababaihan? Isa na rito ang venous hypertension o varicose veins na parang mga bulate sa binti.
Nakababahala ang varicose veins o varicosities, dahil nakakasira nga ito sa ganda ng mga binti. Mababaw na dahilan lang ito. Pero alam ba ninyong may iba pang mas mabigat na karamdaman ang maaaring idulot nito?
Ang “veins” ay parte ng mga ugat sa katawan na nagdadala ng dugo pabalik sa puso. Hindi mataas ang presyon sa loob nito nguni’t kung ito ay lumuluwag na, tumataas ang “venous pressure” kung kaya’t lumulobo ito at ang mga balbula nito ay hindi na nakakapigil sa “backflow” ng dugo palayo sa puso, kabaligtaran ng dapat na direksyon nito.
Sa ganitong sitwasyon, nakikita ang varicose vein na malalaking ugat na kulay asul at berde, ang hugis ay parang ahas na minsan ay nakapulupot, at mayroon pang mga maliliit na mapupulang ugat na animo’y gagamba.
Dahil sa venous hypertension, sumasakit ang mga ugat sa binti at kung minsan pa ay namamaga. Kapag masyadong mabagal ang daloy ng dugo, maaring mamuo ang dugo at magkaroon ng blood clots o pamumuo ng dugo.
Delikado ang kundisyon na ito dahil may posibilidad na lumakad ang “thrombus o blood clot” papunta sa baga, isang “emergency situation” na dapat matugunan agad. Kung hindi ay posibleng maging sanhi ng kamatayan.
Madalas din makitang namamanas ang mga binti hanggang talampakan kapag may venous hypertension. Kapag matagal na ang kundisyon na ito, nagingitim at nagiging makapal at magaspang ang balat sa binti.
Minsan ay nagsusugat pa ito at kung may impeksyon, mabaho ang amoy ng sugat. Nahihirapan na maglakad ang may varicose vein dahil sa bigat ng mga binti, at sa sakit na nararanasan. Minsan naman ay nawawalan din lang ng balanse.
Paano iiwasan
Umpisahan sa pagbawas ng pamamanas sa pamamagitan ng pagtaas ng mga paa kapag nakahiga at natutulog, ipatong sa isa o dalawang unan. Iwasan ang nakatayo nang matagal at kung hindi maiwasan, maglagay ng compressive stockings.
May iniinom na gamot kapag namamaga ang varicosities. Kung sobra nang malalaki at masakit, mas agresibo na estratehiya ang ginagawa, gaya ng Vein Stipping, Endoluminal Laser at Sclerotherapy.
Huwag pabayaan ang “varicose veins” dahil posible itong magdulot ng mga kumplikasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.