Myrtle type na type si Atom Araullo; may hiling sa mga bashers ni Nadine
“SA totoo lang pag nababasa ko ‘yung negative comments tungkol kay Nadine (Lustre), nahe-hurt ako kasi ‘yung iba, they think dahil artista hindi na nakakaramdam ng sama ng loob pag naba-bash?”
Ito ang sentimyento ni Myrtle Sarrosa sa mga nagpo-post ng hindi magagandang mensahe sa social media tungkol sa kaibigan niyang si Nadine.
“They don’t know her personally and I know her personally. I’ve known her since we were 14 (years old) so, mag-eight years na and she’s a very good person talaga,” ang pagtatanggol ng singer-actress kay Nadine.
Nakausap namin si Myrtle sa renewal ng kontrata (another three years) niya para sa Megasoft Hygienic Products kamakailanm para sa ineendorso niyang Sisters Sanitary Napkin.
Natanong ang aktres pagkatapos ng presscon tungkol sa kaibigan niyang si Nadine matapos maging kontrobersyal ang komento nitong okay ang living-in para sa kanya at kung sakaling ganito ang set-up nila ng boyfriend niyang si James Reid ay normal lang lalo na sa mga millennial. Malaki na rin daw ang ipinagbago ni Nadine na dating konserbatibo, pero ngayon ay umiinom na sa publiko at nag-eendorso na rin ng alak.
Ayon kay Myrtle, “Well, si Nadine siguro she’s embracing herself talaga, well totoo namang sexy din siya kaya rin naman nanalong number one sexiest. I don’t think there’s anything wrong embracing ‘yung confidence and sexiness niya.”
Tungkol naman sa live-in issue, “Well, whatever decision na gawin ng isang tao, ibigay na natin sa kanila ‘yun saka kung anuman ‘yung mga desisyon na gagawin nila, sa kanila na ‘yun, respetuhin natin,” katwiran ng dalaga.
Pero sa kanya, normal lang ba ang pakikipag-live in? “Wala akong boyfriend, eh, (sabay tawa ng aktres). I’m more on a family person kasi and until now, I’m staying with my family saka katatapos lang naming magpatayo ng bahay kaya masaya ako sa pamilya ko. Ayaw kong magbigay ng sagot na hindi ko alam, hindi ko pa naman ever na-experience.”
***
Bilib kami kay Myrtle dahil kitang-kita sa pagsagot niya sa mga tanong ng press ang kanyang breeding at talagang may pinag-aralan na hindi naman kataka-taka dahil nagtapos ng cum laude si Myrtle sa kursong Broadcast Communicaton sa UP ngayong taon.
Kaya naman saludo rin kay Myrtle ang Megasoft Hygienic owner and Vice President for Marketing na si Ms. Aileen Choi-Go dahil maski na pinagsabay ng dalaga ang showbiz career at pag-aaral ay nakapagtapos ito with honors.
Proud si Ms. Aileen sa kanyang little sister dahil bihira sa mga artista ang nagtapos ng pag-aaral kaya sila mismo ang nag-adjust sa schedule ni Myrtle na hindi makasagabal ang out of town shows/promos nito para sa Sisters sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
“Actually, ang priority talaga namin even if she’s not our endorser ‘yung schedule niya talaga kasi ang pangit naman na kinuha namin siya tapos ‘yung objective is to inspire ‘yung kabataan. Ayaw naming sabihin na, ‘Oy Myrt, absent ka muna kasi may show tayo, hindi puwede ‘yung ganu’n at talagang inuuna namin ‘yung sa kanya. Wino-workout namin ang schedules for her, kasi ang pinaka-priority namin ay hindi siya um-absent sa school kasi lalo na she’s running for cum laude,” katwiran ng Megasoft owner.
Samantala, isa sa pangarap na makatrabaho pala ni Myrtle ay ang newscaster na si Atom Araullo na pinasok na rin ang pag-aartista at tulad din niyang nagtapos sa UP ng kursong Applied Physics.
“Dream leading man ko sa showbiz is Atom kasi sobrang fan niya ako, sabi ko nga, kahit mag-cameo lang ako sa ‘Citizen Jake’ (movie ni Atom), kahit makita ko lang siya sa set,” sabi ng dalaga.
Anong mayroon kay Atom na nagustuhan ni Myrtle? “I think, ako kasi gusto ko sa lalaki, ‘yung maturity and pati na rin ‘yung intelligence niya, how he is, how he carry himself, he’s very handsome and smart. Nagkasama na kami sa Umagang Kay Ganda, nagkatrabaho na kami,” aniya.
At nang makaharap nga niya si Atom, “Natulala ako, it’s my first time kasi. And I think alam niyang crush ko siya kasi tuwing magkikita kami, natutulala lang ako sa kanya.”
May nagtanong na parang mahinhing kumilos si Atom kaya natsitsismis na bading, gulat niyang tugon,
“Hindi ‘no!” mabilis nitong sabi.
Samantala, ngayong tapos na si Myrtle sa pag-aaral ay magiging full-time na siya sa pagtanggap ng projects, dati raw kasi ay talagang namimili siya na hindi makakasagabal sa school. Katatapos lang niyang mag-guest sa La Luna Sangre at may dalawang pelikula siyang gagawin sa Regal Entertainment.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.