Gold-silver medal sweep naitala ng PH triathletes | Bandera

Gold-silver medal sweep naitala ng PH triathletes

Angelito Oredo - August 21, 2017 - 10:00 PM

PUTRAJAYA — Nagpakita ng dominasyon ang Pilipinas sa triathlon event ng 29th Southeast Asian Games sa pagsungkit sa nakatayang dalawang ginto at dalawang pilak sa Marina Putrajaya sa Malaysia.
Hindi pinakawalan nina Nikko Bryan Huelgas at Marion Kim Mangrobang ang gintong medalya sa pagdomina sa men’s at women’s division Lunes ng umaga upang ibigay sa Pilipinas ang pangkalahatang ikalawa at ikatlong ginto pati na ang ikatlo at ikaapat na pilak sa kada dalawang taong torneo.

Nagsumite ang 26-anyos at tubong Las Piñas City na si Huelgas ng 1 oras, 59 minuto at 30 segundo sa 1.5-kilometer swim, 40km bike at 10k na karera para matagumpay na maidepensa ang titulong nakamit noong 2015 Singapore SEA Games at maungusan ang kakampi na si John Leerams Chicano na may oras na 2:01:27.

“We’re very overwhelmed. Nagbunga lahat ang sacrifice at hirap namin sa training,” sabi ng part-time motivational speaker at model na si Huelgas.

Naghabol sa bahagyang pagkaiwan sa swimming matapos itong umahon na ikalima sa pagkuha sa liderato sa bike bago nakipagtulungan kay Chicano sa mahirap na takbuhan tungo sa pagtatanggol sa titulo.
Dobleng selebrasyon ang ibinigay ng 25-anyos at ipinagmamalaki ng Sta. Rosa City na si Mangrobang sa maraming Pinoy na dumayo sa ginawa lang ng tao na malaki’t malinis na lawa sa one-loop coast-to-coast victory nila ng dating nagwagi ng ginto na si Ma. Claire Adorna sa dinarayong Marina Putrajaya Lake.

Itinala ni Mangrobang ang kabuuang 2 oras, 11 minuto at 14 segundo sa swim, bike at run na disiplina upang iuwi ang una nitong gintong medalya sa ikalawang paglahok sa kompetisyon matapos na pumangalawa lamang noong 2015 SEA Games sa Singapore.

Nagpalit lang ng puwesto ni Adorna at Mangrobang mula sa 1-2 pagtatapos sa Singapore SEAG sa buong pagdomina nila sa karera sa kasiyahan nina Triathlon Association of the Philippines officials Ramon Marchan (president) at Tomas Carrasco, Jr. (secretary general-treasurer).

“Masayang-masaya po. Lahat ng sakripisyo’t hirap sa training namin nagbunga. Sa una pa man target talaga namin ang gold at silver,” namutawi kay Mangrobang na nagsimula sa sport sa edad na 12-anyos pa lang. “Gumawa kami ng strategy para ma-assure namin na atin ang first and second, tapos sa run, bahala na. Para po ito sa lahat ng mga Pilipino. Salamat sa mga suporta at prayers. Kundi dahil sa kanila hindi namin makukuha ito.”

“Okey lang na ma-deposed champion. Ang mahalaga sa Pilipinas pa rin ang gold. Hindi bale matalo ako parang nanalo pa rin dahil nakuha ni Kim ang gold-silver. Maganda ang naging strategy namin,” sabi ni Adorna.

Ang kambal na ginto ang nagpaakyat din sa Team Philippines sa ikaanim na puwesto sa medal standings sa tatlo nitong ginto kasama ang panalo ni Mary Joy Tabal sa women’s marathon noong Sabado mula sa ikapito kapalit ng dating puwesto ng Myanmar.

Inabot pa sa podium ang apat na mga triathletes ng mga humabol sa awarding ceremonies na sina Philippine Sports Commission (PSC) Commissoners Ramon Fernandez at Charles Raymond Maxey at PSC Executive Director Carlo Abarquez para makamayan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending